May katwiran si Reyes. Hindi maaring manaig ang interes ng 1,411 sa kapakanan ng 14 milyong tao na kumukuha ng tubig sa La Mesa Dam. Dapat timbangin ang batas sa kapakanan ng nakararami.
Patukoy ang prinsipyong yon sa mga katulad ni chairman Bayani Fernando ng Metropolitan Manila Development Authority. Hindi siya puwedeng basta magputol ng puno sa Katipunan Road, halimbawa, para lang laparan ang kalsada sa trapik. Ang matatandang puno ay nagbibigay ng oxygen na hinihinga ng taga-lungsod. Dapat ituloy ang road widening, pero kumuhat bayaran ng lupa mula sa Ateneo, Miriam College at U.P.
Yon din ang patama ng Korte Suprema sa rallyista nang ibasura ang calibrated preemptive response ng Malacañang. Anang Korte, hindi puwedeng basta i-disperse ang mga rally, lalo na kung kontra-gobyerno ito bilang kalayaan sa pagtuligsa. Pero hinikayat din ng Korte na kumuha ng rally permits, para maisaayos ng pulis ang trapik at seguridad. Meron din dapat "freedom parks" ang bawat siyudad at probinsiya kung saan, kapag hindi inaksiyunan ng mayor o governor ang application for rally permits, otomatiko na itong puwedeng pagdausan. Maayos nga naman kung makakapaglahad ng hinaing ang raliyista pero hindi rin iniistorbo ang nais manahimik.
Ang batas ay pamprotekta sa indibidwal. May batas ding pamprotekta sa publiko. Kung humantong ang sitwasyon na magbanggaan ang dalawang batas, natural lang na panaigin ang interes ng nakararami.