Nagsadya sa aming tanggapan si Analiza Pornete ng Muntinlupa upang humingi ng tulong hinggil sa kasong pagpatay sa kapatid nitong si Emmanuel Pornete, 18 taong gulang.
Ayon kay Analiza, kilalang mabait, mapagbigay, matulungin at palakaibigan ang kanyang kapatid sa kanilang lugar. Isa sa mga kaibigan nito ay ang kapatid ng dati nitong nobyang si Jessica, si Bojed Frias. Kapatid din ng mga ito si Jamie na nililigawan ng isa sa mga suspek, si Alvin Baldonado.
"Ayaw ni Bojed kay Alvin para sa kapatid nitong si Jamie dahil ang suspek na si Alvin ay kilalang notoryus ang pamilya. May nagsasabing suspek umano ang tatay nito sa kasong murder kaya naman ganoon na lang ang pagtutol ni Bojed sa panliligaw nito," sabi ni Analiza.
Ika-15 ng Abril 2006 bandang alas-10 ng gabi sa Tanglaw PNR Site, Cupang, Muntinlupa naganap ang insidente. Magkakasamang nag-iinuman ang biktima at mga kaibigan nitong sina Rey Aguilar, Richie Cantongos at isang alyas Jomar na dumating ang apat na kalalakihan na mula sa Kelly Compound, Alabang Muntinlupa.
Kinilala itong si Alvin Baldonado alyas Nonoy, Ramil Grafia, Jay-Ar Grafia at Jerrald Lamio. Hinahanap umano ng mga ito si Bojed.
"Nakita daw kasi ni Bojed na hinatid ni Alvin ang kapatid nito kaya nag-away ang dalawa. Inawat ito ng isang nagngangalang alyas Lobo at doon ay nag-alisan na ang grupo ni Alvin," sabi ni Analiza.
Bago tuluyang lisanin ng grupo nina Alvin ang lugar ay nagbanta umano ang mga ito na babalikan nila si Bojed. Bumalik naman ang grupong ito subalit hindi nito matagpuan ang kanilang hinahanap.
"Nagtanong daw ang grupo ni Alvin kung sino ang mga barkada ni Bojed at sumagot naman ang grupo ng mga kapatid na sila nga ang mga kaibigan nito. Hanggang sa nagkasagutan na raw ang mga ito at siyang dating ng tatay ni Bojed," salaysay ni Analiza.
Pinauwi ng ama ni Bojed ang grupo nina Alvin at habang papalayo umano ang mga ito ay pinagbantaan ang grupo nina Emmanuel na huwag dadaan sa Kelly Compound hanggang sila ay pagbabatuhin ng mga bato nito. Dahil dito, hinabol nila ang grupo ni Alvin at pagdating sa tulay ay may nagpaputok umano ng sumpak.
"Si Alvin daw ang sinasabing nagpaputok at ang kapatid ko ang tinamaan. Agad naman siyang dinala sa Alabang Medical Hospital upang bigyan ng lunas ang tinamo nitong sugat subalit binawian na rin siya ng buhay," pahayag ni Analiza.
Dalawang bala ang tumapos sa buhay ni Emmanuel. Makalipas ang ilang sandali ay may mga pulis na dumating sa pinangyarihan ng krimen subalit hindi naman nahuli ang mga suspek. Samantala dalawang kaibigan naman nito ang nagpunta sa bahay ng mga Pornete upang ipagbigay-alam ang nangyari sa biktima.
"Sa ospital na kami nagpunta pero patay na nga ang kapatid ko. Nagpunta kami sa himpilan ng pulisya upang ireport ang nangyaring insidente subalit hindi naman kami agad inasikaso ng imbestigador na naroon sa presinto. Ang sabi sa amin ay hindi agad nila kami maasikaso dahil marami pa silang ginagawa. Ite-text na nga lang daw kami," sabi ni Analiza.
Ika-24 ng Abril 2006 nang maisampa ang kasong Homicide laban sa mga suspek. Naghhihintay na lamang ang pamilya ng biktima sa subpoena at kung sinong fiscal sa Muntinlupa Prosecutors Office ang hahawak nito.
"Dahil sa hindi naman agad nahuli ang mga suspek ay malaya pa rin silang nakakapunta sa lugar na yon na para bang wala silang ginawang krimen. Marami ang nakakita sa pangyayari subalit ang ilan sa kanila ay ayaw magbigay ng pahayag at ang iba naman ay minabuti na lamang na umuwi sa kanilang probinsiya dahil natatakot ang mga ito," sabi ni Analiza.
Hangad ni Analiza na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kapatid. Umaasa din siyang pagbabayaran ng mga suspek ang ginawa nito at maging mabilis ang pag-usad ng kaso.
Para sa may mga problema sa lupa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing araw ng Huwebes. Mayroong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.