Linggo ng Mabuting Pastol

ANG pastol ay tagapangalaga ng kawan ng mga tupa. Ang pangangalaga ay kinapapalooban ng pagpapakain, pagpapainom, pagtatanggol, at paniniguro na hindi mapapahamak ang kanyang mga inaalagaang tupa.

Sa isang pamilya, ang gawain ng "pagpapastol" ay karaniwang nakaatang sa ama at ina, o di kaya nama’y nasa nakatatandang anak (kung patay na ang mga magulang). Sa isang samahan, ang pagpapastol ay nasa balikat ng namumuno ng samahan. Sa Simbahan, ang pangunahing pagpapastol ay nasa Papa at ang mga Obispo naman ang mga pastol sa kani-kanilang diyosesis.

Ngayong Linggo ay ipinagdiriwang ang Linggo ng Mabuting Pastol. At si Jesus ang tinutukoy na Mabuting Pastol. Isa sa mga katangian ng mabuting pastol ay ang pag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang kawan (Juan 10:11-18).

"Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga tupa na nagiging dahilan para magkalat-kalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayundin naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.


"Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinatanggap ko sa aking Ama.’"

Kung kayo’y pastol ng inyong mga tahanan, o di kaya’y ng inyong samahan, tanggapan o pagawaan, handa ba kayong iaalay ang inyong buhay para sa inyong kawan? Kung gayon, kayo rin ay isang mabuting pastol.

Show comments