Isa na namang hard-hitting provincial columnist ang pinaslang dahil umano sa kanyang mga maanghang na isinusulat. Ang insidente ay naganap kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.
Ang biktimang si Nicolas Cervantes ay kolumnista ng isang pahayagan sa Surigao. Napakahaba rin pala ng kamay ng mga taong nagplano ng pagpatay sa kanya. Dito pa siya sa Metro Manila itinumba. Sa tingin ko, palubha nang palubha ang situwasyon. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabing ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang "pinakamapanganib" para sa mga nasa propesyon ng pamamahayag.
Hindi ko kilala si Cervantes at hindi ko rin alam kung sino ang mga inuupakan niya. Posibleng mga sindikatong kriminal o tiwaling opisyal ng gobyerno. Dalawang paraan para mapatahimik ang manunulat sa kanyang mga batikos: Tapalan siya ng salapi at pabor o kayay patayin siya. Kapag di nakuha sa payola pistola ang solusyon. Pero may mga nagsasabing ang motibo ng pagpatay sa isang mamamahayag ay dahil patuloy pa rin siyang umuupak kahit natapalan siya ng salapi.
Pero sa aking palagay, natanto ng mga tiwaling taong laging binabanatan sa media na mas mura kung ipapapatay mo ang isang mamamahayag kaysa ilagay mo siya sa payola payroll. Babayaran mo lang ng kaunting halaga ang hit man solved na ang iyong problema.
Ano man ang rason, ang lumalaganap na pagliligpit sa mga kagawad ng media ay indikasyon na sumasahol ang panganib na kinakaharap ng mga nasa propesyong ito. Dapat gumalaw ang pamahalaan upang mapigil ang ganitong uri ng intimidasyon. Ang pagsupil sa kalayaan ng pamamahayag, kahit hindi taong-gobyerno ang may kagagawan ay pagsupil sa umiiral na demokrasyang ginagarantyahan ng Konstitusyon. Iyan ang dahilan kung bakit responsibilidad ng pamahalaan ang pagprotekta sa mga media practitioners.