EDITORYAL – Marami pa rin ang nasa kumunoy ng kahirapan

SA selebrasyon ng Araw ng Paggawa noong May 1, kabilang sa mga nakisigaw, at nakipagmartsa ay ang mga kabilang sa sector ng mahihirap. Mas marami sila kumpara sa mga grupong nais patalsikin si President Arroyo bagamat sila man ay ganyan din ang nais, ang maalis sa tungkulin ang Presidenteng anila’y naging dahilan pa ng labis na kahirapan ng kanilang buhay.

Ayon sa grupong Global Call to Action Against Poverty-Philippines (GCAP-Philippines) tinatayang nasa 4.1 milyong Pinoys ang nakalubog sa matinding kahirapan. At ang gobyerno ang dapat sisihin sa nangyayari sapagkat hindi maipatupad ang genuine na programang para sa mahihirap. Ayon pa sa grupo, lalo pang nagiging masama ang sitwasyon sapagkat kinakalimutan ng gobyerno ang kalagayan ng mga dukha. Hindi pinakikinggan ng gobyerno ang mga kahilingan at pangangailangan ng mga mahihirap.

Marami ang nagugutom, namamalimos at hindi malaman kung saan susuling sapagkat walang sariling tahanan. Marami ang nagkakasyang manirahan sa isang kariton, sa waiting shed, ilalim ng tulay at sa gilid ng mga mababahong estero.

May punto ang grupong GCAP-Philippines nang sabihing malayo sa katotohanan ang sinasabi ng gobyerno na umuunlad ang bansa at ang ekonomiya ay patuloy sa paglago. Paano anila paniniwalaan ang ganitong pahayag gayong nakikita naman na marami ang namamatay sa gutom.

Hindi lamang ang pagkagutom ang nararanasan nang marami kundi pati na rin ang kakulangan sa gamot. Marami sa mga Pinoys ang hindi na nakatitikim ng gamot o kaya’y nakapagpapaospital dahil sa kakapusan ng pera. Kulang na lamang sabihin na hinihintay na lamang nila ang oras ng kamatayan sa banig. Kulang na rin lang sabihin na kung maaari ay hilingin ng namatay na balutin na lamang sa banig ang kanyang bangkay at saka ipaanod sa sapa o ilog na polluted.

Sinabi noon ni President Arroyo na wawakasan niya ang kahirapan ng mga Pilipino. Magki-create siya nang maraming trabaho at nang magkaroon ng pagkain sa hapag ang mga Pilipino. Hindi ba’t ganyan din ang pangako niya sa tatlong batang taga-Payatas na nagpaanod ng mga bangkang papel sa Ilog Pasig.

Marami ang nasa kumunoy ng kahirapan at marami rin naman ang nagpapasasa sa yamang nasa kabang-bayan. Hanggang kailan ang kanilang pagsasamantala?

Show comments