Pumasok ang isa pang administrasyon. Nagpatuloy ang suhulan, batay sa consultancy contract nung Hunyo 2001 ni Alfonso Liongson, retiradong drug salesman at kamag-anak ng Chengs na may-ari ng Piatco. Kinailangan siya dahil nagbaba ang creditors ng Piatco ng 77 kondisyones para sa unang release ng utang.
Mahal si Liongson. Singil ay $200,000 acceptance fee, $200,000 kada buwan, at $1.8 milyon kung mapapirma ang walong kritikal na opisyales bilang tugon sa 77 hinihingi ng creditors. Magilas din siya. Sa loob lang ng dalawang linggo, napatango niya si nooy-Transport Sec. Bebot Alvarez, sa pamamagitan ni officer-in-charge Willy Trinidad, na muli pang baguhin ang Piatco contract para maglatag na lang ang Piatco ng surface road sa pagitan ng Terminals 1, 2 at 3 imbis na $18-milyong tunnel. Napa-oo rin niya ang transport office na ang Piatco subsidiary PAGS Terminals Inc., kung saan ilegal na bumili ang dayuhang Fraport ng mahigit 40%, ang bago nang contractor-operator ng Terminal-3. Para dun, $1 milyon ang "binayad" kay Liongson.
Sabi ni Vic Cheng Yong sa Senate inquiry, $2.1 milyon lahat-lahat ang nakuha ni Liongson bilang "publicity fees". Kulang yon. Mula sa accounts niya sa HSBC-Hong Kong at BDO-Manila, naglipat si Liongson ng $6.3 milyon sa dalawang front companies sa Virgin Islands. Kasama run ang $2.1 milyong sinasabi ni Cheng na isinalya ni Liongson mula sa Virgin Islands pabalik sa bank accounts ng mga opisyales sa Maynila. Tila nalito si Cheng; nadulas at inamin ang halaga ng mga padulas.