Noong nakaraang linggo, isang bus na naman ang nahulog sa bangin at pitong buhay na naman ang nasayang. Patungo sa Maynila ang RJ Transit galing Bicol nang mahulog sa bangin sa Pagbilao, Quezon. Binabaybay ng bus ang zigzag na kalsada nang mahulog. Naipit ang mga pasahero na naging dahilan para mamatay ang pito. Ilan sa mga namatay ay bata. Marami rin ang nasugatan. Wala silang premonisyon na ang biyaheng iyon ay magiging malagim.
Marami nang bus na naaksidente at namatay na pasahero at maitatanong kung talaga nga bang nagagawa ng LTFRB ang kanilang tungkulin para mainspeksiyon ang mga yumayaot na mga bus. Ganap ba nilang sinisilip kung may mga sapat na papeles ang mga bus na bumibiyahe?
Nang malaman umano ni LTFRB chairwoman Ma. Elena Bautista ang pangyayari, agad nitong hiningi sa LTO-Bicol ang inspection report ng RJ Transit. Sa inspection report makikita kung ang bus ay maaaring ibiyahe o hindi. Gayunman, sinabi umano ni Bautista na habang bini-verify ang mga papeles ng RJ Transit, hindi muna niya maaaring suspendihin ang operasyon ng RJ Transit. Hindi raw maaaring patigilin ang pagbiyahe ng RJ.
Kakatwa naman ang pasyang ito ni Bautista. Paano kung may mangyari na namang aksidente na ang sangkot na naman ay isang bus ng RJ Transit, patuloy pa rin ba niyang pagbibiyahehin ang mga ito. Hindi ba dapat ay huwag munang pagbiyahehin habang iniimbestigahan. Hindi naman marahil magtatagal ang beripikasyon. Ang mahalaga ay matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong sasakay sa RJ.
Ningas kugon ang LTFRB na kung kailan may naaksidente nang bus at marami nang namatay saka lamang kikilos.