Maanomalya rin ang construction phase. Anang mga testigo sa kaso mismo ng Piatco sa Singapore at partner na Fraport sa Washington, may kolatilya sa kontrata ng general contractor Takenaka Corp. Dapat ibalato ng Takenaka ang trabaho sa subcontractors at suppliers na katoto o lihim na pag-aari ng Piatco at Fraport. Nakalista sa 2-pahinang "Schedule 7" ang mga ito. Angal ni Robin Swinnerton, Takenaka designer, inobliga silang ipasilip sa Piatco at Fraport ang mga bids, lalo na kung wala sa Schedule 7 ang bidders. Tapos, kinikilan ang mga ito nang hanggang 10% ng bid price kapalit ng kontrata. Si Jefferson Cheng, director ng Piatco, ang tagakubra raw ng kickbacks.
Dagdag ni Maurits Van Linder ng Siemens, kinumpromiso ng Schedule 7 ang kalidad ng equipment at construction. Kasi raw, pati mga palsipikadong kumpanya ay binigyan ng Takenaka ng kontrata. Ehemplo ang Crisplant, na palpak ang baggage handling system pero kaibigan ni Chengs na may-ari ng Piatco.
Matindi ang testimonya ni Linder. Hindi lang daw para sa mga taga-Piatco at Fraport ang kickbacks. Kinukubra daw ito para pansuhol sa mga opisyales ng gobyerno nung 2000. Kabilang sa mga sinangkot niya ay sina Erap mismo at nooy-Executive Secretary na si Ronaldo Zamora.
Yon pala ang rason kung bakit apat na ulit binago ang kontrata para pumabor sa Piatco at malugi ang taumbayan!