EDITORYAL - Sa alis-bitay, mga ‘tulak’ay natuwa’t naghalakhakan

SA disembarkation card ng Saudi Immigration nakasulat ang babalang ito: "WARNING: DEATH TO DRUG TRAFFICKERS". Malinaw ang babala. Kapag nagkasala ng pagpupuslit ng droga sa Saudi Arabia, kamatayan ang parusa. Walang makapipigil para ipatupad ang batas.

Sa disembarkation card ng Philippine Immigration ay ganyan din naman ang nakalagay na babala: "WARNING: DEATH TO DRUG TRAFFICKERS". Kamatayan din sa sinumang magpupuslit ng droga sa bansa. Ang pagkakaiba nga lamang, sa Saudi ay mahigpit na sinusunod ang batas pero sa Pilipinas ay hindi. At lalo nang hindi masusunod ang batas ngayong si President Arroyo na mismo ang nag-alis sa parusang kamatayan. Wala nang death penalty.

Ang unang hakbang ay ginawa ni Mrs. Arroyo makaraang i-commute ang parusa sa 1,200 bilanggong bibitayin sana sa pamamagitan ng lethal injection. Mula sa parusang kamatayan, ibinaba sa habambuhay na pagkabilanggo. At kabilang sa mga labis na natuwa sa ginawa ni Arroyo ay mga drug traffickers. Ligtas na sila sa "turok". Hindi na sila mapapabilang sa grupo ni Leo Echegaray at pitong iba pa na "naturukan" noong panahon ni President Estrada. Ganoon man, wala ni isa mang drug traffickers na naturukan sa panahon ni Estrada.

Habambuhay na pagkabilanggo na lamang ang parusa sa mga drug traffickers. At maaari pang matakasan ang pagkakulong kung matatapalan ng pera ang bantay na guwardiya. Katulad ng dalawang drug traffickers na nakatakas sa Camp Crame ilang taon na ang nakararaan. Nilagari umano ng dalawa ang bakal na rehas. Nakaakyat sa mataas na pader sa pamamagitan ng hagdan. Nakapagtataka kung paano naipasok ang lagaring bakal sa loob at ang hagdan. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang dalawang Chinese drug traffickers.

Ang Pilipinas ang "langit ng mga drug traffickers". Dito muna ibinabagsak ang droga at saka dadalhin sa mga kalapit na bansa. Ito ang napiling bagsakan ng droga sapagkat corrupt ang mga alagad ng batas. Pakitaan lamang ng bungkos na pera, tapos na ang usapan. Puwede nang maglabas-masok at magpuslit ng droga.

Tiyak na lalong magiging aktibo ang mga dayuhang drug traffickers. Lalo pang dadami ang "shabu tiangge" na gaya ng sa Pasig. Shabulandia na ang Pilipinas at hindi kataka-taka na sa pagbasura sa parusang kamatayan, uusbong pa ang malalagim na krimen na ang ugat ay ang pagkalulong sa ipinagbabawal na droga.

Show comments