^

PSN Opinyon

Bugso ng damdamin

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -
SAMPUNG taon bago mangyari ang insidente, si Ryan ay naospital ng apat na buwan sa National Mental. Nakitaan kasi siya ng kakaibang kilos tulad ng blankong pagtingin sa malayo, pag-untog ng ulo ng asawa sa pader nang walang dahilan at di makatulog sa gabi. Napag-alaman na siya ay may schizophrenic form of disorder.

Nang makalabas siya, kasama niyang nanirahan sa ina ang dalawang anak. Subalit hindi gumaling si Ryan dahil bumalik ang dati niyang ikinikilos. Kaya, napilitan ang ate niyang si Lucille na ipasuri siya sa isang kaibigang psychologist. Ayon sa pagsusuri, may mild depression lamang si Ryan sanhi ng mga problema nito sa buhay at sa mga bagay na nakapaligid dito.

Apat na buwan matapos ng pagsusuri nangyari ang insidente. Nagpunta si Ryan sa bahay ni Lucille upang manood ng TV. Doon ay inabutan niya ang isang victory party ng basketball ng anak ni Lucille na si Timmy. Habang nag-iinuman sina Timmy, Mike, Denver at tatlo pa nitong kasamahan, nagbiruang sumayaw ng cha-cha sina Mike at Ryan. Pagkatapos nito ay umalis si Ryan. Sumunod naman sina Mike at Bobby. Habang naglalakad ang dalawa, nakita ni Bobby na naghihintay si Ryan sa puno ng chico nang bigla itong lumabas at saksakin si Mike sa pamamagitan ng balisong. Nagbuno pa sina Mike at Ryan subalit nakatakbong papalayo si Mike. Naabutan ni Ryan si Mike at sinaksak pa ng walong beses bago tumakas.

Maliban kay Bobby, nasaksihan din ni Denver ang insidente. Ayon kay Denver, habang siya ay umiihi, narinig niyang sumisigaw si Lucille kay Ryan ng "pihadong makukulong ka, sinaksak mo si Mike.’ At nang lumingon daw siya ay nakita niyang papalapit sa kanya si Mike habang hinahabol ito ni Ryan. Sinubukan daw niyang yakapin si Mike subalit bigla na lamang bumagsak ang sugatan nitong katawan. Pagkatapos ay nakita raw niya si Ryan na tumakbong papalayo.

Kinasuhan si Ryan ng murder subalit naging depensa nito ang pagka-baliw. Iginiit ni Ryan na dapat siyang malibre sa pananagutan dahil bukod sa namalagi na siya sa National Mental Hospital, isang psychological test na ang isinagawa sa kanya, apat na buwan na ang nakalipas. Tama ba si Ryan?

MALI.
Ang resulta ng pagsusuri ng isang psychologist ay hindi nagpatunay ng pagkabaliw ni Ryan. Hindi rin nito sinuportahan ang depensa na walang kakayahan si Ryan na malaman ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ayon sa Article 12 (1) ng Revised Penal Code, upang malibre sa pananagutan ang isang akusado, kinakailangan ay lubos ang kawalan niya ng pangangatwiran sa paggawa ng isang bagay o hindi niya alam ang kahihinatnan ng kanyang ginawa o kaya ay wala siyang kakayahang maunawaan ang pagkakaiba ng tama sa mali.

May pagkakaiba sa kawalan ng pangangatwiran o pagkabaliw sa kaso ng hindi paggamit ng tamang pagpapasya sanhi ng matinding galit o bugso ng damdamin. Sa kasong ito, napatunayang baluktot lamang ang pag-iisip ni Ryan sanhi na rin ng kanyang mga problema sa buhay kaya mababa ang sigla nito.

Maituturing pa rin na nasa normal na antas ang kanyang pag-iisip kaya hindi siya masasabing baliw upang malibre sa pananagutan sa pagkamatay ni Mike. Kaya, si Ryan ay nahatulan ng pagkabilanggo ng sampung taon at isang araw hanggang labimpitong taon, apat na buwan at isang araw (Pp. vs. Alberto Medina, G.R. 113691, Feb. 6, 1998).

ALBERTO MEDINA

AYON

HABANG

ISANG

KAYA

MIKE

NATIONAL MENTAL

NATIONAL MENTAL HOSPITAL

RYAN

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with