Drilon, nauupos na

HANGGA ngayon usap-usapan pa ang ikinilos ni Franklin Drilon nu’ng Hulyo 2005. Inalok niya noon si Gloria Arroyo na ilipat ang gobyerno sa kanyang probinsiyang Iloilo para lumayo sa mga kaaway sa pulitika, pero makalipas ang ilang araw pinamunuan niya ang pagpapababa sa Pangulo. Sobra pa, pati si VP Noli de Castro ay pinag-resign niya. Kung parehong umalis sina GMA at Noli, ayon sa Konstitusyon, si Drilon bilang Senate President ang uupong Acting President at tatawag ng halalan sa loob ng 90 araw. Maari siyang tumakbo – at manalo dahil hawak niya ang poder.

‘Yon kaya ang rason sa gawi ni Drilon? Siya ang makatitiyak. Ang magagawa lang ng madla ay suriin ang kalagayan niya.

Pangalawang termino na ito ni Drilon sa Senado. Mahihirapan siyang mag-congressman sa 2007 sa Iloilo dahil malakas ang kalaban. Hindi maari mag-governor kasi naroon ang katotong reelectionist. Pangit naman mag-mayor lang matapos maging Senate President. Walang mapupuntahan si Drilon kundi magpahinga muna nang tatlong taon, hanggang sa halalan ng 2010. Pero baka makalimutan na siya.

May gusot pa. Hanggang Hulyo 2006 na lang si Drilon bilang Senate boss. Ito’y kung tutupad siya sa kasunduan nilang term sharing ni Manny Villar. Ang unang usapan nga nila nu’ng 2004, tig-isa’t-kalahating taon sila, kaya nu’ng Disyembre 2005 pa dapat bumaba si Drilon para mag-Senate chief naman si Villar hanggang Hunyo 2007. Pero pinakiusapan ni noo’y kakampi pang Arroyo si Villar na pagbigyang maupo si Drilon nang dalawang taon at siya ay isa na lang.

Dahil nauupos na ang poder ni Drilon, ‘yon din kaya ang rason sa mga kilos niya sa Liberal Party? Pinulong niya nung Abril 5 ang 40 tao na aniya’y members ng LP national executive council (NECO). Pinasya nilang labanan ang Charter change. Pero, ani LP stalwart Ely Quinto, may sabit. Dapat mayorya ng 101 kasapi ng NECO ang gumawa ng desisyon. Nag-nombra rin si Drilon ng 15 bagong kasapi ng NECO, pero siyam lang ang sumipot. Napilitan siya tuloy magnombra ng apat na bagong mukha roon. May sabit ito uli. Ani Quinto, dapat mayorya muli ng NECO ang magtataguyod sa mga bagong kasapi. E, wala ngang quorum.

Show comments