Inilahad ni Florencia Sinohin ng Brgy. Pasong Tamo, Quezon City sa amin ang kanyang hinaing hinggil sa umanoy pambubugbog sa kanyang ng asawa nito.
Taong 1980 nang makilala ni Florencia ang unang lalaki sa buhay niya, si Edgar. Nagsama sila at nagkaroon ng dalawang anak subalit makalipas ang dalawang taon ay naghiwalay din ang dalawa.
"Hindi muna kami nagpakasal. Naging maayos naman ang pagsasama namin noong una subalit kalaunan ay nag-iiba na ang ugali nito hanggang sa naghiwalay na rin kami," kuwento ni Florencia.
Ayon pa kay Florencia, nagpasya siyang hiwalayan si Edgar dahil wala rin namang mangyayari sa kanilang pagsasama. Mag-isa niyang itinaguyod ang dalawang anak at sa pamamagitan ng home service ay kumikita siya ng pera para sa pangangailangan nila.
Dahil sa pagtatrabaho niya nakilala niya si Reynaldo Sinohin. Ang lalaking inakala umano niyang magbibigay sa kanya ng labis na pagmamahal at atensyon na hindi niya nakita sa una nitong kinasama.
"Pinakasalan niya ako at nagkaroon kami ng dalawang anak. Itinuring na rin niyang parang tunay na anak ang dalawang anak ko sa una," sabi ni Florencia.
Habang nagtatagal umano ang pagsasama ng dalawa unti-unting nagbabago ang pakitungo ni Reynaldo kay Florencia. Madalas ay nakakatikim umano ng pananakit si Florencia sa asawa. Subalit lahat ng iyon ay tiniis umano niya dahil sa labis na pagmamahal sa asawa.
"Natural lang naman sa mag-asawa ang magtalo. Hindi ko rin maiwasan ang magtaas ng boses sa tuwing nag-aaway kami hanggang sa magtalo na kami at mauwi sa pananakit niya sa akin," paliwanag ni Florencia.
Naging madalas umano ang pag-aaway nina Florencia at Reynaldo subalit lahat ng bagay ay pinagtitiisan ng una dahil ayaw nitong masira ang kanilang pagsasama. Samantala nakabalita si Florencia na nambababae ang kanyang asawa pero nagbingi-bingihan siya sa mga balitang ito.
"Hindi ako naniniwala dahil katwiran ko ay wala namang trabaho ang asawa ko para mambabae pa siya. Sa akin lang din siya umaasa at mahaba ang oras na kami ay magkasama," pahayag ni Florencia.
Palala ng palala ang pagsasama ng dalawa. Madalas ay nauuwi sa pambubugbog ang ginagawa ni Reynaldo subalit ganunpaman ay hindi rin niya magawang hiwalayan ito.
"Lagi na lamang niya ako sinasaktan. Nirereklamo ko siya sa barangay upang mabigyan siya ng dala pero hindi ko rin siya maipakulong dahil sa pagmamahal ko sa kanya. Hanggang sa barangay na lamang nakakarating ang reklamo ko. Pinapatawad ko rin siya dahil gusto kong buo ang aming pamilya," sabi ni Florencia.
Ika-18 ng Abril 2006 bandang alas-8 ng umaga sa bahay ng mag-asawang Florencia at Reynaldo naganap ang insidente. Nasa kusina noon si Florencia nang bigla na lamang umanong nagsisisigaw ang asawa nito. Pilit nitong pinapapaalis ang anak niya at pamilya nito subalit hindi makapayag si Florencia na paalisin ang anak dahil sa wala umano itong matutuluyan.
"Ayaw niyang nasa bahay namin ang anak ko dahil masyado na raw masikip sa bahay kaya galit na galit siya at inaaway ako. Noong hindi ko siya mapagbigyan sa kagustuhan niya bigla na lang niya akong pinagsusuntok at sinampal. Kinatwiran ko kasi sa kanya na walang ibang titingin sa anak at mga apo kundi ako lang. Tapos sinabihan ako na Sige magsumbong ka sa pulis, yan naman ang pinagyayabang mo sa akin," salaysay ni Florencia.
Samantala nagmakaawa naman ang anak ni Florencia, si Ma. Fe na tigilan na ang pananakit sa ina nito subalit hindi naman pinakinggan ni Reynaldo ang pakiusap nito hanggang sa magkaroon ng pagkakataon na makatakbo si Florencia at tumawag ng pulis upang siya ay saklolohan.
"Wala na ngang maniwala sa akin noong nagsusumbong dahil lagi ko naman pinapatawad si Reynaldo. Pero sa pagkakataong ito talagang desidido na akong maipakulong siya," sabi ni Florencia.
Rumesponde naman ang mga barangay tanod sa reklamo ni Florencia at agad na namang nahuli si Reynaldo. Nagsampa ito ng kaso laban sa asawa dahil sa ginagawa nitong pananakit.
"Ayoko na talagang makisama pa sa kanya kaya ang gusto ko ay manatili na lang siya sa loob ng kulungan. Nakikiusap ang mga kapatid nito sa akin pero talagang hindi ko na kayang tiisin pa ang mga pananakit niya sa akin. Marami na akong pinalampas sa mga ginawa niyang pananakit pero panahon na siguro upang bigyan siya ng leksyon. Hangad kong mabigyan ng hustisya ang mga pananakit na ginagawa niya sa akin," pahayag ni Florencia.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.