Natuwa ako nang malamang kahit na nasa abroad sila matagal na rin pala nilang binabasa ang column kong ito sa Pilipino Star NGAYON at iba pang mga artikulo sa ibat ibang pahayagan sa Pilipinas.sa pamamagitan ng Internet. Sinabi nilang ito ang kanilang libangan at isang paraan para masubaybayan ang mga nangyayari sa ating bansa.
Subalit, hindi agad ako nakasagot nang tanungin nila ako kung hindi pa raw ba ako nagsasawa sa kakakahol na parang aso sa mga kapalpakang pinaggagagawa ng mga opisyal ng ating pamahalaan at ganoon din ng mga pulitiko?
Nabanggit nila na parehong-pareho pa rin hanggang ngayon ang mga paratang at reklamo ng mga kolumnista at mga komentarista sa mga naninilbihan sa bansa. Noon pa ay paksa na rin ng mga beterano at subok na mamamahayag na katulad nina Doroy Valencia, Joe Guevarra, Teddy Locsin Sr., Leon O. Ty, Rafael Yabut, Amando Doronila, Louie Beltran, Max Soliven at iba pa. Nagbago na raw ba ang pamamaraan ng mga tinatawag na public servants? Nakinig daw ba ang mga ito sa mga pangaral ng mga mamamahayag?
Idinugtong pa nga ng mga pamangkin ko na sa halip na mabawasan ang mga kawalanghiyaan at kapalpakan ng mga opisyal na pinili nating manungkulan, lalo daw yatang naging grabe ang mga ito. Tama nga siguro na ang mga mamamayan ang dapat sisihin kung bakit nagkakaganito ang Pilipinas. Nasa ating mga kamay nakasalalay ang gagawing paraan para maging wasto ang ating bansa.