Ibang-iba sa mga kapit-bansa. Nung 1995, 2000 at 2003 sa Malaysia, $4.2 bilyon, $3.8 bilyon at $2.5 bilyon ang bumuhos na foreign investment. Sa Singapore sa mga taon na yon, wow, $7.1 bilyon, $11.4 bilyon at $5.6 bilyon ang bumaha. Sa Thailand na halos kasinlaki ang populasyon natin, P2.1 bilyon, $2.4 bilyon at $1.9 bilyon ang sumirit. Sa Pilipinas, $1.5 bilyon, $1.3 bilyon at $319 milyon lang ang umambon. Sa Indonesia, miski nag-alisan ang mga dayuhan nung 1997 Asian crisis, nakapaghanda dahil sa $4.3 bilyong pumasok nung 1995.
Maayos ang pulitika sa Malaysia at Singapore; sa Thailand mabilis bumaba ang Prime Minister; sa Indonesia naging demokratiko na. Malinis ang burokrasya sa Malaysia at Singapore; sa Thailand medyo; Indonesia lang ang nakikipag-kumpitensiya sa atin sa katiwalian. Pero ang malaking kaibahan ng apat sa atin: bukas sila sa foreign investors; tayo halos sarado.
Ani economics professor Gonzalo Jurado, kung isali rin natin ang dayuhan, dodoble ang investments nila sa loob ng 3 taon. Dodoble rin ang kita natin sa loob ng 5-8 taon. Mabubura halos ang unemployment.
Ang hadlang lang dito ay mga tinaguriang "nationalist" economic provisions sa Konstitusyon. Ani Bernardo Villegas, economist din at kasali sa mga umakda ng 1987 Constitution, "makabayang kilos" ang pag-alis sa naturang "nationalist" provisions. Makabayan, dahil magdudulot ito ng sapat na trabaho at kita para sa masa, at maiaangat sila mula sa karalitaan.