Napag-iwanan ang Pilipinas

HINDI nagbubulaan ang mga numero. Sa magkakapit-bansa sa Southeast Asia, sa Pilipinas pinaka-malala ang kahirapan.

Sa saliksik ng Asian Development Bank, 18.2% ang maralita sa Indonesia, 7.5% sa Malaysia, wala sa Singapore, at 9.8% sa Thailand. Sa atin, 31% ng 82-milyong populasyon – isa sa bawat tatlong tao ang dukha. Kaya naglipana ang squatters sa lungsod, nagda-dynamite fishing sa karagatan, at nagkakaingin sa kabundukan.

May ibang saliksik ang World Bank. Sa Indonesia 7.5% ng pamilya ay kumikita ng $1 lang kada araw, 0.2% sa Malaysia, wala sa Singapore, at 1.9% sa Thailand. Sa atin, 15.5% – 2.54 milyon ng kabuuang 16 milyong pamilya – ay nagkakasya na sa P50 kada araw. Kulang ‘yon para sa sapat na pagkain, damit at bahay, lalo pa sa gamot para manatiling malusog at edukasyon para magka-trabaho.

Ani economics Prof. Gonzalo Jurado, dukha tayo dahil jobless o kaya’y kapos ang kita. Sa nakaraang 12 taon, isa sa bawat 10 Pilipino na nasa hustong gulang – 4 milyon ng 40-milyong workforce – ang walang trabaho. At sa may mga trabaho naman, 10 milyon ang underemployed: Hindi sapat ang sahod sa pinag-aralan, o kaya’y pana-panahon ang trabaho bilang helper sa construction, truck delivery o palayan, nagbubungkal ng basura, at tricycle driver.

Kulang ang trabaho at kapos ang kita dahil kulang ang negosyo sa atin. Paikut-ikot ang problema. Dahil mababa ang kita, hindi makapagtayo ng negosyo ang mga Pinoy. Ani Jurado, ang savings rate natin ay 18% lang – kalahati ng 35% tulad ng Thailand at Indonesia, at mas mataas pa sa Malaysia at Singapore, para makaipon ng puhunan.

Tapos, konti ang pumapasok na dayuhang puhunan sa atin dahil sa tatlong rason: Magulo ang ating pulitika, marumi ang ating burokrasya, at hadlang sa foreign investors ang ating Konstitusyon.

Alam ito ng ating pamunuan. Nakapagtataka, hindi sila kumikilos para ayusin ang problema at wakasan ang kahirapan. Bakit?

Show comments