Napapanahon ang programang Tourism Jobs Fair (TJF) ng Department of Tourism. Itoy naunang idinaos sa Davao at Cebu kamakailan. Sa unang araw nito sa Metro Manila, may 25,000 jobseekers ang nag-log sa www.tourismjobs.ph. Iyan ang unang databank sa website na nilikha para sa TJF. Ayon kay DoT Sec. Joseph "Ace" Durano na may kabuuang 6,271 ang nagrehistro at ipinroseso sa Davao City at 4,105 sa Cebu City. Sa Maynila, 3,265 ang nagparehistro at ipinroseso sa unang araw lang at patuloy pang tumataas ang bilang ng mga jobseekers. Ang tatlong araw na jobs fair ay ginanap sa The Forum ng Philippine International Convention Center at nagwakas noon lang Sabado (April 8).
Sa kabuuang bilang ng mga aplikante, mahigit sa 2,500 mula sa tatlong nasabing lungsod ay nakatakda nang humarap sa final interview ng mga kompanyang kanilang inaplayan. Bukod diyan, balita koy may nangyari pang on-the-spot hiring ng mga bagong graduates para sa mga posisyon tulad ng sales and reservation officers para sa mga travel agencies at mga barko.
Huwag isnabin ang mga job offers. may mga juicy position sa airlines at shipping firms, hotel at resorts, travel agencies at tour operators, restaurants, tourist transport at car rental companies, convention at exhibition organizers, at marami pang ibang may kinalaman sa turismo. Ang maganda sa programang ito, yung mga hindi matatanggap dahil sa kawalan ng kuwalipikasyon ay ire-refer sa Tourism Industry Board Foundation (TIBF) para sa kinakailangang skills training.
Nakatutuwa na ang may 324 kompanya sa industriya ng turismo at ang pamahalaan ay nagtutulungan para sa kapuri-puring programang ito na malaki ang maiaambag para maibsan ang problema sa kawalan ng trabaho.