Pagtutulungan

ISANG magandang halimbawa na ipamamalas sa atin sa Unang Pagbasa sa liturhiya sa araw na ito ay tungkol sa kung paanong nagtulungan ang mga unang apostol at mga mananampalataya kay Jesus (Gawa 4:32-35).

Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinama-mahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Marami akong alam na mga komunidad, samahan at mga pangkat na ang mga kaaniban ay nagtutulungan. Sa gayon, tunay na kanilang ipinapahayag sa kanilang pamumuhay na si Jesus ang kanilang Panginoon. Datapwat, napakalayo pa natin bilang isang bansa sa pamantayang ito na nasasaad sa mga Gawa ng mga Apostol. At dahil dito, parang malayo pa rin sa atin ang pagpapala ng Diyos kung ating titing-nan ang agwat ng mga mayayaman at mga mahihirap sa ating bansa.

Aking dalangin na mag-ibayo pa ang mga pagpupunyagi ng mga komunidad na nagtutulungan, at kanilang mapalawak pa ang kanilang mga gampanin upang makaabot ang tulong lalo na sa mga maralita ng ating bansa. Naniniwala din ako sa kakayanan ng mga maykaya na sa kabutihan ng kanilang loob, sila rin ay mag-susumikap na iabot, at patuloy na mag-aabot, ng kani- lang mga palad sa kanilang kapwa na naghihikahos.

Sa pagtutulungan, hindi lamang sa panahon ng mga sakuna at kalamidad nakasalalay ang pagbuhos sa atin ng Diyos ng kanyang pagpapala.

Show comments