At kapag nag-aanunsiyo ng pagtataas ang presyo ng langis, saka naman naiisip ng gobyerno na paigtingin ang pagtitipid. Magtipid daw sa gasolina, diesel, koryente, tubig, at iba pa. Nasa krisis ang bansa dahil sa pagtaas ng langis. Magtipid, magtipid at magtipid pa!
Pero ang nakapagtataka kapag nag-rollback na ang gasolina at diesel o LPG, wala nang naririnig na ganito sa gobyerno. Wala ni gaputok mang pagpapaalala sa mamamayan na bawasan ang paggamit ng koryente at gasolina. Nagkakaroon lamang ng kampanya kapag nakasakmal na ang krisis. Isang taon na ang nakararaan, nag-utos si President Arroyo na magtipid ang lahat. Pinangunahan niya ang kampanya sa pagtitipid sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga ilaw sa Palasyo ng Malacañang. Pinalitan ang mga bumbilyang matakaw kumunsumo. Kasunod ay sinabing may mga tauhan ng gobyerno na mag-iikot sa mga tanggapan ng pamahalaan para manmanan ang hindi susunod sa kautusan. Isa sa mga nahuling hindi nagtitipid ay ang Department of Health. Wala namang balita kung ano ang ginawang parusa sa DOH dahil sa hindi pagtitipid.
Pero makalipas lamang ang ilang buwan ay wala nang balita sa kampanya ng pamahalaan. Dahil siguro sa nag-rollback na ang presyo ng gasolina at diesel. Dahil siguro bumaba ang presyo ng langis sa world market. Nakakatawa na kung kailan lamang nakasakmal ang krisis sa langis saka nag-iisip lamang magtipid.
Kamakalawa ay nagpahiwatig na naman si Mrs. Arroyo na magkakaroon na naman ng panibagong energy-saving measures. Nasa krisis na naman daw ang bansa dahil sa pagtataas na naman ng presyo ng langis sa world market. Ang pagtitipid daw ang kinakailangang gawin para mapaghandaan ang panibagong pagtataas ng presyo ng langis. Ang pagtitipid talaga ang makabubuting gawin at wala nang iba pa. Wala pa namang alternatibong mapagkukunan ng langis ang bansa at nakadepende pa rin sa langis mula sa Middle East. Subalit hanggang saan na naman tatagal ang kampanya sa pagtitipid? Isa, dalawa, tatlong buwan?