‘Wala akong pilak o ginto…’

ANG ating pananampalatayang Kristiyano ay nagmula sa pananampalataya ng mga unang apostol na naging mga saksi sa buhay at mga gawa ni Jesus. Kung kaya ang mga Unang Pagbasa sa linggong ito mula nang Pagkabuhay na Muli ni Jesus ay hango sa mga Gawa ng mga Apostol at isa rito ang Gawa 3:1-10.

Minsan, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, "Tumingin ka sa amin!" Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, "Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: Sa ngalan ni Jesus na taga-Nazaret, lumakad ka." Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; siya’y napalukso at nagsimulang lumakad papasok sa templo at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nila ang pulubing dating nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.

Dahil sa pananalig nina Pedro at Juan kay Jesus, ang lumpong lalaki ay kanilang napagaling.

Sa ating kapanahunan, kung minsan, ang makinig lamang sa hinaing ng isang taong tigib ng dalamhati ay malaking tulong na sa bigat ng damdamin ng namimighati. Wala man tayong ginto, pilak o perang maitulong sa iba, dapat nating tandaan na bawat kabutihang ating ginagawa sa pangalan ni Jesus ay tiyak na magdudulot ng pagpapala sa taong ginagawan ng kabutihan.

Show comments