Sanhi ang kahirapan ng kakulangan ng trabaho. Nitong nakaraang dekada, 4 milyon sa kalahatang 40 workforce ang walang hanapbuhay; 10 milyon ang seasonal work lang bilang helper sa construction, delivery at bahay, tricycle driver, o scavenger sa tambakan ng basura.
Kailangan papasukin ang dayuhan para magtayo ng mga pabrika o kalakal, at gumawa ng mga kalsada at power plants na mag-e-empleyo sa mga Pilipino. Magagawa ito kung bubuksan sa kanila ang Konstitusyon.
Termino pa ni Joseph Estrada, batid na ito ng mga nasa pamunuan. Naroon si nooy-Trade and Industry Sec. Mar Roxas, na nagsabi sa Asia Society nung 2000 na, bukod sa repormang pangkabuhayan, kailangan rin ng reporma sa pulitika at hudikatura. Naroon din si Sen. Nene Pimentel na nagsabi sa isang international conference na sobrang sentralisado ang kapangyarihan sa Maynila, kaya hindi umuunlad ang malalayong rehiyon.
Isinulong noon ni Erap ang reporma sa ekonomiya sa ilalim ng Concord (Constitutional Correction for Reform and Development). Bumuo siya ng Preparatory Commission for Charter Review sa pamumuno ni retired Chief Justice Andres Narvasa. Tinukoy ni Erap si Rep. Ronaldo Zamora, na nooy executive secretary niya, na pamunuan ang Malacañang Concord Task Force.
Sa Kongreso, tinukoy ni Erap si Rep. Francis Escudero bilang hepe ng "House bright boys" na magsusulong ng Concord. Kasama niya doon sina Reps. Alan Peter Cayetano, Rodolfo Albano III, at Edmund Reyes Jr.
Heto ang tanong. Bakit okey sa Cha-Cha noon sina Roxas, Pimentel, Zamora, Escudero, Cayetano, Albano at Reyes, pero kontra na ngayon? Isa itong palaisipan.