^

PSN Opinyon

Oo nga, Cha-cha pagdebatehan na

SAPOL - Jarius Bondoc -
NAGHIHIMOK ang mga manggagawa, maralitang taga-lunsod, mag-aaral at kabataan ng serye ng debate tungkol sa Charter change. Inis sila marahil sa paratang ng ilang pulitiko na pumirma ang marami sa kanila sa People’s Initiative miski hindi naiintindihan ang mga isyu. At marami sa kanila ang nais ding matutunan ang mga pangakong reporma sa Charter change, at ang mga pangamba ng mga kontra rito.

Oo nga naman, pagdebatehan na ang buod ng Charter change: ang pagbago mula presidential tungo sa parliamentary form ng gobyerno, ang pagpapaganap ng autonomy mula centralized tungo sa federal structure, at ang paghikayat ng dayuhang puhunan.

Nito kasing mga nakaraang linggo, mga pamamaraan lang, at hindi pakay ng Charter change ang laman ng balita. Puro bilangan ng ilong sa Kongreso para sa constituent assembly, o pagpirma sa People’s Initiative. Meron ding nagsasabing hindi napapanahon ang Charter change. Pero puro yabangan at insultuhan lang ang ginagawa ng magkabilang panig. Kesyo kaya raw makahila ng 195 kongresista’t senador para sa constituent assembly, pero kesyo babarahin naman ito ng Oposisyon nang 50 aayaw. Kesyo aabot daw sa 10-15 milyon ng 40-milyong botante ang pipirma sa People’s Initiative, pero kesyo bayaran lang ang mga pumirma. Hindi naman natupad ang mga bilang, o napatunayan ang mga paratang.

Kung pagdebatehan ang mga isyu, mas maaanalisa ng publiko kung mabuti o masama sa buhay nila ang Charter change. Makakapili sila kung susuporta o tutuligsa.

Sana mag-sponsor ang malalaking TV networks ng debate. Sana magdaos din ang mga universities ng campus debates. Sa debate, bawal ang insultuhang personal at paratang na walang katibayan. Mas lumilinaw ang mga isyu imbes na nauuwi sa animo’y frat rumble. Tumatalino ang madla na nagiging batayan ng matatag na demokrasya. Kung tutuusin, noon pa nga dapat nagsimula ang debate tungkol sa pakay ng Charter change. Tsaka na ang pamamaraan, kung mapasyang kailangan ito.

CHANGE

CHARTER

INIS

KESYO

KONGRESO

MAKAKAPILI

MERON

OO

SANA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with