Papasok si Charlene sa kanyang trabaho sa InfoXX Call center sa Ortigas dakong alas-sais ng gabi noong Linggo. Sakay siya at ang ilang pasahero ng FX taxi. Nang nasa kahabaan na sila ng Ortigas Avenue, Floodway, nagdeklara ng holdap ang tatlong lalaki. Nang kukunin na ang cell phone ni Charlene ay tumanggi siya. Iyon ang naging daan para siya barilin ng holdaper na nasa kanyang likuran. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang tatlong holdaper. Mabilis na nilamon ng dilim. Isinugod ng FX driver si Charlene sa malapit na ospital subalit dead-on-arrival na ito.
Kung may mga pulis na nagroronda sa nasabing lugar, baka nagdalawang-isip na mangholdap ang mga halang ang kaluluwa. Malakas ang kanilang loob sapagkat wala namang pulis. Ang nasabing lugar ay sinasabing madalas pangyarihan ng panghoholdap. At sa kabila na marami nang nangyayaring krimen doon, wala namang ginagawang hakbang ang Pasig police.
Noong nakaraang January, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Vidal Querol na paiigtingin ng pulisya ang pagbabantay sa mga lugar ng Call centers kung saan karamihan sa mga empleado ay mga babae. Binisita noon ni Querol ang mga Call centers at nangako na bibigyan ng seguridad ang mga empleado. Marami ang natuwa sa pangako ni Querol. Maraming babaeng empleado ng Call centers ang nabibiktima ng mga holdaper at mga manyakis sapagkat karaniwang gabi na sila kung umuwi.
Ngayong nangyari ang malagim na kamatayan ni Charlene Santos, nasaan na ang pangako ni Querol. Nasaan na ang kanyang mga pulis? Nasaan na ang sinasabi niyang "bantay sa gabi"? Nasaan na ang mga gagawing pagpapatrulya? Nasaan na ang police visibility? Wala! Wala! Wala!