EDSA Uno, EDSA Dos, EDSA Tres

Edsa Uno at Edsa Dos atin itong paghambingin

Malaki ang kaibahang dito’y ating mapapansin;

Dalwang Edsa ang naganap — magkaiba ang layunin

Kaya isang kabaliwang ito ngayon ay ulitin!

Nang si Ninoy ay patayin buong bansa ay nag-aklas

Umuwi s’yang walang takot at sa bayan ay matapat

Akalain mo ba namang habang siya’y nasa tarmac —

Pagbaba sa eroplano — binaril ng talipandas!

Dahil doon ay nagmartsa itong buong sambayanan

Mga bata at matanda, empleyado at sibilyan;

Ang dalaga at binata, ang sundalo’t kapulisan

Kapit-bisig na naglakad na ang mithi’y kalayaan!

Kalayaan sa gobyerno na noon ay nagmalabis

At ang taong namumuno nagkaisang pinaaalis;

At iyan ang Edsa Uno na sa bansa ay nagtindig

Pagka’t noo’y may bayaning dugo’t buhay itinigis!

Ano naman ang Edsa Dos? Ah ito’y nang pabagsakin

Ang lalaking inakala ng marami’y kadamdamin

Sinalaming halimbawa’t inakala na magaling

Iyon pala’y iba naman ang sa pwesto ay gagawin!

Kaya siya ay hinangad na sa pwesto ay ibaba

Nag-rally ang sambayanan at naglakad na sa Edsa;

Sa tulong ng militari’t mga taong mapagpala

Iniluklok si Ate Glo sa pedestal nitong bansa!

At ngayon ngang si Ate Glo ang may hawaqk na ng timon

Hangad pa rin ng marami na siya ay ipatapon;

Gusto nila ay bumaba at ang poder iwan ngayon

Kahi’t walang napipisil ipalit ang Oposisyon!

Marami nang pagtatangkang si Ate Glo ay ibagsak

May kudeta at alyansa na sa bansa’y nagwawasak;

Tinangka ring ang Edsa Tres sa lansangan ay ilakad

Nguni’t ito ay nabigo pagka’t ayaw na ng lahat!

Kaya ngayo’y ano na lang ang marapat nating gawin?

Dapat tayo ay magbuklod at ang diwa’y pag-isahin;

Taong ayaw pang bumaba huwag na sanang pipiliti’t

Sa darating na halalan saka siya pabagsakin!

Sa ganito ay uunlad itong ating kabuhayan

At tiyak na aasenso itong ating Inang Bayan;

Di na natin papansinin kung mahirao o mayaman

Pagka’t tayo’y mabubuhay sa ligaya at mahalan!

Show comments