Ayon sa Section 4 ng RA 6727, ang statutory minimum wage rates ng lahat na manggagawa at empleyado sa pribadong sektor, agrikultural o hindi agricultural, ay makakatanggap ng dagdag na P25 kada araw. Alinsunod sa batas na ito, ang RTWPB ay nag-isyu ng ilang wage orders upang dagdagan ang daily wage rate. Kaya, hiniling ng MSA sa NFA ang kaukulang dagdag sa daily minimum wage ng mga security guards nito pati na ang overtime pay, holiday pay, 13th month pay at rest day pay ng mga ito. Bukod dito, iginiit pa ng MSA ang pagtataas sa Social Security (SSS) at Pag-Ibig premiums pati na ang administrative costs at margin. Subalit sinang-ayunan lamang ng NFA ang tungkol sa dagdag na sahod kada araw sa pamamagitan ng pagmultiplika nito sa 30 araw samantalang tinanggihan nito ang pagtaas sa iba pang benepisyong may relasyon sa sahod. Tama ba ang NFA?
TAMA. Ang terminong "wage" na ginamit sa Section 6 of RA 6727 ay tumutukoy sa statutory minimum wage na pinakamababang sahod na itinakda ng batas na maaaring maibibigay ng nagpapatrabaho sa kanyang manggagawa. Base ito sa Section 7 ng nasabing batas kung saan ang normal na oras ng trabaho ng isang empleyado ay hindi hihigit sa walong oras. Kaya, ang iniutos na dagdag o ang babayaran ng NFA ayon sa Section 6 of RA 6727 ay ang tanging dagdag lamang sa tinatanggap na sahod ng isang empleyado sa walong oras nitong serbisyo.
Ang dagdag na P25 ay tumutukoy lamang sa statutory minimum wage, kaya hindi maaaring palawakin ang saklaw nito batay lamang sa interpretasyon o sa pagkakaunawa. Sa kasong ito, ang NFA ay tama sa posisyon nitong hindi dagdagan ang overtime pay, holiday pay, 13th month pay, rest day pay at ilan pang benepisyo na tinatanggap ng mga manggagawa nito (National Food Authority vs. Masada Security Agency, Inc. G.R. 163448, March 8, 2005. 453 SCRA 70).