^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Aprubahan na ang anti-terrorism bill

-
UMAATAKE na naman ang mga teroristang Abu Sayyaf at limang buhay na naman ang nautas. Ang ginawang pambobomba sa cooperative store noong Lunes ng hapon ay walang ipinagkaiba sa estilong ginagawa ng mga salot na Sayyaf. Tataniman ng bomba ang lugar na pasasabugin at boom! Walang pakialam ang mga salot kung marami ang mamatay. Mas marami ay mas mabuti, iyan ang kanilang gusto.

Sinabi ng military na mga Sayyaf ang nagtanim ng bomba sa Sulu Consumers Cooperative na nasa Serrantes St. downtown Jolo. Sa lakas ng pagsabog ay nahati ang building. Ang mga namatay ay pinaniniwalaang mga empleado ng cooperative. Isa sa mga biktima ay walang kamalay-malay na bata. Ayon sa mga awtoridad, cell phone ang ginamit bilang triggering device sa pakete ng ammonium nitrate.

Ang pambobomba ay ikalawa na sa taong ito. Ang una ay naganap noong February 18, 2006 nang isang bomba ang sumabog sa Army camp na malapit naman sa pinagdarausan ng Balikatan exercise sa Sulu. Isa ang namatay sa pagsabog at 20 ang nasugatan. Abu Sayyaf din ang itinuturong may kasalanan sa pambobombang iyon.

Marami nang pambobombang ginawa ang Abu Sayyaf at hanggang ngayon ay patuloy pa rin sila at naghahatid ng sindak sa mamamayan. Wala na bang kakayahan ang military at pulis para mapigilan ang mga hayok sa dugo sa paghahasik ng karahasan? Masyado bang abala ang mga awtoridad sa pagbabantay sa mga magkukudeta at magrarali sa kalsada kaya hindi naramdaman ang muling pambobomba?

Noon pa ay may intelligence report na lulusob sa Metro Manila at iba pang lugar ang Abu Sayyaf katulong ang Jemaah Islamiyah. Bakit hindi ito napaghandaan? Bakit hindi nagkaroon ng checkpoint lalo na sa Jolo na balwarte ng mga salot na Sayyaf.

Magpapatuloy pa ang paghahasik ng lagim ng mga Abu Sayyaf kaya nararapat nang ipasa ang anti-terrorism bill. Sa pagkakataong ito na halos wala nang kinatatakutan ang mga salot, ano pa ang hinihintay at hindi pa aprubahan ang batas na naglalayong maparusahan ng bitay ang mga terorista. Unahin ito upang mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan laban sa mga Sayyaf na walang kaluluwa. Ubusin na sila!

ABU SAYYAF

BAKIT

ISA

JEMAAH ISLAMIYAH

JOLO

METRO MANILA

SAYYAF

SERRANTES ST.

SULU CONSUMERS COOPERATIVE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with