Ang pangwakas na handog

BILANG mga Kristiyano, alam natin na ang kagalakan, kapayapaan, katapangan ng loob, takot sa Diyos, pagkamapitagan ay ilan sa mga kaloob sa atin ng Espiritu Santo (ang Ikatlong Persona ng Diyos). Datapwat hindi lahat sa atin ay nakaaalam ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Basahin ang Mateo 12:28-34.

"Kung ang Espiritu ng Diyos ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

"Paanong mapapasok ang bahay ng isang malakas na tao kung hindi siya gagapusin? Kung gapos na, saka pa lamang malolooban ang bahay niya.

"Ang hindi panig sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon ay nagkakalat. Kaya sinasabi ko sa inyo: ipatatawad sa mga tao ang anumang kasalanan at panlalait, ngunit hindi ipatatawad ang anumang panlalait sa Espiritu Santo. Sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o magpakailanman."


Ang Espiritu Santo ang pangwakas na handog ng Ama at ni Jesus sa atin. Kung kaya’t magkasala man tayo sa Ama o sa Anak (na si Jesus), ito ay may kapatawaran pa. Subalit kapag tayo’y nagkasala sa Espiritu Santo, ito’y wala nang kapatawaran. Kapag nilait o winalang-bahala natin ang Espiritu Santo, para na rin nating tinanggihan ang huling pagkakataong ibinibigay sa atin ng Ama at ni Jesus na maligtas mula sa ating mga pagkakasala’t kamalian. Para na rin nating kinalaban ang ating mismong mga sarili. Sa ganoon, talagang wala na tayong katubusan.

Sa ating pakikihamok sa mga pang-araw-araw na buhay at sa mga nangyayari sa ating lipunan, maglaan ng panahon upang dumalangin sa Espiritu Santo. Siya ang magpapadama sa inyo ng kanyang kapangyarihan.

Show comments