Hindi na krimen ang pagiging komunista

MAG-INGAT ang Armed Forces at National Police, at lalo na ang Department of Justice na dapat nakaiintindi ng batas, sa pagpaparatang sa mga maka-Kaliwa. Pahiwatig kasi sa mga pananalita nila na krimen ang pagiging komunista. Halata ito sa pagtawag nila sa anim na party-list reps – Crispin Beltran, Satur Ocampo, Lisa Maza, Ted Casiño, Rafael Mariano at Joel Virador – na mga rebelde dahil komunista raw.

Isa sa unang ginawa ni President Fidel Ramos, Senate President Ed Angara at Speaker Jose de Venecia nang mapuwesto nu’ng 1992 ay i-repeal ang Anti-Subversion Law, o Republic Act 1700. Tinuring ng makalumang batas na dayuhang ideyolohiya ang komunismo na gumugulo sa Estado. Kaya’t nagpataw ito ng parusang pagkabilanggo sa mga sumasapi sa Partido Komunista at mga front organizations nito. Pero nais nina Ramos, Angara at de Venecia noon na magkaroon ng peace settlement sa Partido na may 30 taon nang nagrerebolusyon. Kaya’t ginawa na nilang legal ang Partido. Ang nanatiling ilegal ay ang tahasang pagbubuhat ng armas laban sa gobyerno; sa madaling salita, ang pagrerebelde ng New People’s Army. Nais patunayan ng AFP, PNP at DOJ na sangkot sa rebelyon ang anim na party-list reps. Pero hindi sapat na magharap sila ng dokumento at testimonya ng saksi na kasapi sila sa Partido. Dapat, ipakita sa hukuman na sangkot sila sa pagplano at pagkilos upang pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng dahas ng armas.

Sa maraming bansa, miski sa America at Europe, legal ang pagiging komunista. Lumalahok ang Partido sa halalan. Nu’n nga dekada-80, ilang pambansa at panlokal na pamahalaan ang hinawakan ng mga komunista. ‘Yun nga lang, pumalpak lahat, kaya nangatalo sa sumunod na eleksiyon.

At ‘yon ang pakay sa paglelegal sa Partido. Ang pilosopiya sa mga bansang maunlad, ilabas at paglabanin lahat ng ideyolohiya sa ilalim ng demokrasya o malayang pag-uusap. Madadaig lang ang isang ideya sa paglahad ng mas maganda pang ideya. At nasusubukan ang ideya sa praktika: Halimbawa, sa galing o kahinaan sa pamamahala ng gobyerno.

Show comments