Siyempre, hindi sila papayagang magdaos ng rally sapagkat bawal. Ipagpipilitan nila ay ang sariling interpretasyon ng batas. Ilang beses ko nang nasaksihan ang ganitong pangyayari. At ang kahihinatnan ng ganitong senaryo ay kaguluhan.
Nakakalungkot masaksihan ang ganitong kaganapan. Mga kapwa Pilipino ang nagkakasakitan. May pinapalo ng batuta at may hinahabol ang mga pulis. May binobomba ng tubig para magkawatak-watak ang mga kasali sa rally. Napakasakit kung ganito ang masasaksihan.
Wala namang magawa upang makiisa at tumulong sa mga nagpoprotesta. Ibat iba ang paniniwala ng bawat isa at iba rin ang basehan ng ipinaglalaban. Isa pa, may kanya-kanyang prinsipyo ang bawat isa. Marami ang sunud-sunuran sa kautusan na ipinaiiral ng maykapangyarihan. Mayroon namang hindi ganito ang nakaugalian. Kung ganito ang sitwasyon, ano nga ba ang mabuting gawin? Hindi ko alam ang kasagutan.