Isa sa mga talamak ng krimen ngayon ay ang kidnapping. Sa ulat ng Pacific Strategies and Assessments (PSA) tumaas ang bilang ng mga nakikidnap. Pinagbatayan nila ang report na noong nakaraang taon ay tumaas ng 50 percent ang kidnapping kumpara noong 2004. Sa report ng PSA, may naganap na 44 kidnappings noong 2005. Tinatayang may nakikidnap tuwing ikatlong araw sa ibat ibang lugar sa bansa.
Kidnap hotspot ang Pilipinas at kung hindi magkakaroon ng mahusay at matibay na kampanya ang Philippine National Police, hindi kataka-taka na wala nang magtungong turista rito sa bansa. Para ano pa? Para makidnap lamang? Pero ang sabi naman ng PNP, hindi naman gaanong talamak ang kidnapping at ito ay nasa manageable level. Ibig sabihin ng PNP kontrolado nila. Patuloy umano silang gumagawa ng hakbang para tuluyang mawakasan ang pamamayagpag ng mga kidnappers. Sabi pa ng PNP kaya hindi sila makagawa ng hakbang para matugis ang mga kidnappers ay sapagkat tumatanggi ang mga kamag-anak ng biktima na makipag-cooperate para malutas ang kaso.
Hindi masisisi ang kamag-anak ng biktima kung hindi sila makipag-cooperate sa mga pulis. May mga pagkakataong kasabwat ng sindikato ang ilang "bugok" na pulis. Sa halip na matulungan, ay lalo lamang lumulubha ang sitwasyon na humahantong pa sa kamatayan ng kinidnap. Kaysa nga naman makipagtulungan sa mga pulis ay minamabuti na lamang na magbayad ng ransom sa mga kidnappers.
Hindi masisisi ang mga kaanak ng biktima na huwag makipag-coordinate sapagkat sa mga nakaraan, nakumpirma na ang mga miyembro ng sindikato ay mga AWOL na miyembro ng military at pulis. Paano pa magtitiwala sa mga alagad ng batas kung ganito ang sitwasyon?
Pinakamabisang paraan ay mag-isip ng strategy para masakote ang mga kidnappers. Nakapanghihinayang nga lamang na matapos magpagod ang mga pulis sa paghuli sa mga kidnappers ay parurusahan lamang nang magaan. Ang bitay na dapat ay parusa sa mga kidnappers ay hindi naigagawad. Malambot kasi ang batas kaya kidnapping ay talamak.