Si Jesus man ay nagalit din. Hindi lamang sa isang pagkakataon, kundi may ilang pagkakataon din. Isa sa okasyong iyon ay nang gawin ang tahanan ng kanyang Ama - ang templo o bahay-dalanginan - bilang isang palengke. At ito ang paksa ng mahabang Ebanghelyo ni Juan (Jn. 2:13-25).
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbebenta ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, "Alisin ninyo rito iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!" Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, "Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko."
Dahil ditoy tinanong siya ng mga Judio, "Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?" Tumugon si Jesus, "Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw." Sinabi ng mga Judio, "Apatnaput anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?"
Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. Kayat nang siyay muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus."
Marahas ba si Jesus? Hindi. Bagamat ipinagtabuyan niya ang mga mangangalakal bilang pagprotesta sa ginawa nila sa bahay ng kanyang Ama, wala siyang sinaktang sinuman. Makatwiran ang kanyang galit. Kung hindi siya nagalit sa harap ng kalapastangan ng mga mangangalakal, mahirap masabi na si Jesus ay makatarungan at makatwiran.
Sa ganang ating sarili naman, masasabi ba natin na ang ating pagkagalit ay makatwiran? O ang galit ba natin ay nagbubunsod ba sa atin upang makapanakit ng ibang tao?