Dito sa Pilipinas, ang cancer sa suso ang pinaka- malaganap na sakit sa mga kababaihan. Sa United States, tinatayang 130,000 kaso bawat taon ang naitatala samantalang sa United Kingdom, tinatayang 27,000 bagong kaso ang naitala taun-taon.
Karaniwang ang tinatamaan ng cancer sa suso ay mga may kababaihang nasa pagitan ng 45 hanggang 70 taong gulang subalit batay sa mga records, may mga babaing edad 30 pababa ang tinatamaan na rin ng cancer sa suso. Ang mga kalalakihan man ay maaari ring dapuan ng cancer sa suso subalit madalang at hindi naman nagiging dahilan ng kamatayan.
Ang mga babaing may malapit na kamag-anak, maaaring ina, kapatid at tiya, ay malaki ang panganib na magkaroon ng cancer sa suso. Karaniwang nagkaka-cancer ang mga kababaihang maaagang nagkaregla at ang mga atrasadong nag-menopause. Batay naman sa records, ang mga kababaihang nagbuntis nang maaga at nagpadede sa kanilang mga sanggol ay may malaking proteksiyon laban sa cancer sa suso.
Napatunayan naman na ang mga kababaihang survivors ng ibinagsak na atomic bomb sa Nagasaki at Hiroshima ay nagkaroon nang malaking panganib sa cancer sa suso. Tumaas ang bilang ng mga babaing may cancer sa suso.
Marami ang nagtatanong kung ano ang mabuting gawin para maiwasan ng mga kababaihan ang cancer sa suso. Walang 100 percent advice na maibibigay subalit ang low fatty diet ang kinokonsider na mainam. Ipinapayo rin ang regular na pagkain ng sariwang gulay at mga prutas.
(Itutuloy)