EDITORYAL - Masamang idinulot ng ‘1017’ sa rating

MASAMA ang idinulot ng Proclamation 1017 sa popularidad ni President Arroyo. Pero sabi ng Malacañang, hindi nila ito binibigyang pansin. Mas mahalaga raw umano sa kanila ang seguridad at katatagan ng bansa kaysa sa popularidad ni Mrs. Arroyo. Hindi raw pinag-aaksayahan ng panahon ng Malacañang ang mga surveys sapagkat hindi naman popularity contest ang pamumuno.

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, bumaba ang rating ni President Arroyo. Naging 65 percent na lamang ang kanyang popularity rating. At ang pagbaba ng kanyang popularidad ay dahil sa Proclamation 1017 na pinirmahan niya noong February 24. Ang Proclamation 1017 ang naging daan para ilagay ang bansa sa "state of national emergency". Isang linggo ring sinaklot ng "1017" ang bansa.

Noong Huwebes ay panibagong survey ang inilabas ng Pulse Asia at kakatwang 65 percent din ang nagnanais na magresign si Mrs. Arroyo. Ang pagreresign umano ni Arroyo sa puwesto ang pinakamabuting solusyon sa political crisis na nangyayari sa bansa. Ayon pa sa survey, six percent ang nagnanais na maalis sa puwesto si Arroyo sa pamamagitan ng kudeta. Ganoon pa man, 34 percent naman ang naniniwalang dapat na manatili sa puwesto ang Presidente. Ang survey ay ginawa mula February 18 hanggang March 4.

Malaking epekto kay Mrs. Arroyo ang pagkakadeklara niya ng "state of national emergency". Bumaba ang rating at mas marami ang nagnais na bumaba siya sa puwesto. Hindi dapat ipagwalambahala ni Mrs. Arroyo ang pagbagsak ng kanyang rating. Dapat siyang mabahala.

Nang ibaba ang "1017" marami ang nabahag ang buntot. Unang nasampolan ng "1017" ang media. Sinalakay ang Tribune at isang linggong ginuwardiyahan ng PNP. Pinaligiran ng mga sundalo ang dalawang malaking TV network. Nakapaghatid ng takot ang sinabi ni PNP chief Dir. Gen. Lomibao na kanilang sasalain ang mga ilalabas ng mga diyaryo at ganoon din ang ibobrodkas. Ang sinuman na hindi sumunod sa standard ng gobyerno ay kanilang iti-take-over.

Masama ang epekto sa media ng "1017" na umano’y mas matindi pa sa "1081" ni Ferdinand Marcos. At kung laging ipananakot ng Malacañang ang "1017" sa tuwing may mga banta ng rally, baka pulutin sa kangkungan ang kanyang rating.

Show comments