True or false 3?

MALAKI rin ang suweldo ng mga guro kaya lahat ng magagaling na professors ay nasa atin na. Tayo na nga ang sentro ng Edukasyon hindi lang ng Asia kung hindi ng buong mundo. Pinakamataas din ang standard ng ating edukasyon dahil buhos na buhos ang pondo ng gobyerno rito.

Ang bilang nga ho ng Pinoy na may pinag-aralan ay 100% at lumipat na rito ang Oxford, Standford, Cambridge at iba pang mga pangunahing educational institution.

Tunay na matibay ang ating ekonomiya dahil walang manipulation sa stock markets at hindi nakikialam ang Central Bank sa galaw ng dolyar. Dagsa ang foreign investments at lahat ng Pinoy na nasa ibang bansa ay naglalagak na ng pera sa atin dahil tiyak na kikita at walang hassle sa pagbubukas ng anumang negosyo.

Madali rin ang magbukas ng negosyo rito at walang lagayan o porsyentuhan. Lalong walang katotohanan ang mga sitwasyong sinasabi ni Ginoong Pic Marcelo na nais ni Madam Senyora Donya Gloria ng share sa kanyang kompanya bago aprubahan ang kontrata.

Dahil sa ehemplong pinakikita ng Malacañang ay hindi ka na pagtuturuan at pababalik-balikin kahit anong sangay ng gobyerno. Si Madam Senyora Donya Gloria ang ginagaya ng lahat. Masipag, matapat, malinis at higit sa lahat mahal ang Inang Bayan.

Katunayan, kinaiinggitan ng buong mundo ang Pilipinas at idol siya ng iba pang mga world leaders dahil pinipilit siya ng sambayanang tumakbo uli at manatili bilang pinuno ng Pilipinas. Gusto rin ibigay sa kanya ang pamumuno ng United Nations.

O ayan, Madam Senyora Donya Gloria, mga kakampi niya, kaalyado niya at kasamahan, napakagaling ninyo, napakahusay, napakatapat, napakatalino, makaDIYOS, mapagmahal sa bayan, matapat at marangal kayo.

Baka naman sabihin n’yo na wala akong galang. Baka naman sabihin n’yo na walang ginawa ang media kung hindi punahin kayo. Ayan, lahat na ng papuri binigay sa inyo. Maligaya na ba kayo? O baka naman kulang pa at gusto ninyo ay baguhin pa ang Pangalan ng Pilipinas at gawing Republika ng Macapidal, ay mali Macapagal pala. Pwede ring Arrovo, este Arroyo pala.

Kaso, may problema tayo, gaya nga ng title ng tatlong column ko na True or False? Obvious naman ang sagot. Huwag lang natin tanungin sina Sec. Mike Defensor, Sec. Bunye, Sec. Gonzales, Sec. Puno, underSec. Bolante, Gen. Senga, Gen. Esperon, Gen. Lomibao, Gen. Querol, Speaker Jose de Venecia, Congressmen Nograles, Pichay, Marcoleta, Gov. Aumentado, Singson, Evardone, Chairman Abalos, Commissioner Garcillano at yung mga "masayang masaya" sa pamumuno ninyo. Tataka lang ho ako bakit sumosobra ang ligaya nila.

Madam Senyora Donya Gloria, mithiin ng bawa’t isang Pilipino ang pag-unlad ng bayan pero sa pamumuno ninyo, yan ay mananatiling isang pangarap o PANAGINIP LANG!!!
* * *
Marami ang nagtatanong sa resulta ng unofficial survey kung sino ang nais nilang ipalit kay Madam Senyora Donya Gloria kung sakaling siya ay mapalitan, mapatalsik, magbitiw (impossible yata) o magkaroon ng snap elections.

Nakatanggap po ako ng 2,998 na texters at nag-e-mail. Yung mga dumoble po ay kita ang mga numero ng telepono kaya hindi ko na binilang dahil hindi naman ho ako taga Comelec at lalong hindi ako si Garcillano.

Sa bilang ho na yan si Sen. Ping Lacson ho ay nanguna at nakakuha ng 899 na boto. Sinundan siya ni dating Pangulong Erap na may 544, Vice President Noli de Castro na may 512, Bro. Eddie Villanueva, 499, Sen. President Franklin Drilon, 266, dating Senador Loren Legarda 240. Ang iba pang nakakuha ng boto pero maliliit na talaga ay sina Sen. Richard Gordon, Mayor Rudy Duterte, MMDA Chairman Bayani Fernando at Sen. Rodolfo Biazon.

May iilan po na walang sinabi kung sino ang nais ipalit basta raw isang lider na tunay na lilinisin ang katiwalian sa bayan at tunay na mamahalin ang bayan higit sa sariling interest.

Gaya ng sinabi ko, hindi ho masasabing accurate ang ating sistema bagama’t nais natin pulsuhan ang bayan lalo na at pinaguusapan ang snap elections.

Muli, salamat po sa mga nagbigay ng kanilang tugon sa ating mga tanong. Doon naman sa paulit ulit nananakot at nagbabanta, dati na ho kaming takot kaya wala na hong epekto yan.

Sa mga patuloy na nagbibigay ng support, kayo ho ang nagpapalakas ng loob namin at nangangako kaming hindi natin titigilan ang pagpupuna sa mga katiwalian at patuloy nating ilalantad ang kabulukan.

Mas katakutan ho ninyo ang mamamayang Pilipino na masyado n’yong ginigipit at sinasagad. Mabait man at mapagpasensya ang karamihan sa Pinoy, may hangganan din ang bawa’t isa.

Sabi nga nila, huwag niyong hintaying umapaw ang galit. Kumukulo na!
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e-mail sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments