Mabuti na lamang at nabuhay ang kanilang niratrat na company executive at naikuwento ang kapalpakan ng TMG. Ngayon, ay isasalang na muli sa bagong pagsasanay ang TMG para hindi na maulit ang mga pangyayari noong nakaraang linggo na muntik mapatay ang executive na si Randolf Clarito. Tinamaan sa dibdib, hita at likod si Clarito. Niratrat ang kanyang kotseng Toyota Vios sa pag-aakalang iyon ang kanilang hinahabol na kinarjack na kotse.
Ayon kay TMG director Chief Supt. Errol Pan, mahalaga ang training sa kanyang mga tauhan para magtrabaho bilang isang team. Sa tingin daw ni Pan, parang kanya-kanya na sa lakad ang mga tauhan.
Nakatatakot ang tinuran ni Pan. Kung kanya-kanya na nga ng lakad ang kanyang mga bata, wala nang koordinasyon at malamang na marami pang mapinsala. Pasiklaban na sila kapag naka-enkuwentro ng mga carjackers. Babanatan na lang nang babanatan para sila ang mapuri. At paano nga kung nagkamali pala sila sa binanatan. Noong nakaraang taon, tatlong suspected carjackers ang kanilang nakaengkuwentro subalit lumalabas sa pag-iimbestiga na rubout ang nangyari. Nakunan pa ng video ang walang taros na pagbaril sa mga suspect kahit nakabulagta na.
Maganda ang gagawing pagre-retraining sa mga operatiba ng TMG at sana naman ay matuto sila. Kawawa naman kung ang mapapatay nila ay hindi mga "halang ang kaluluwa" kundi ordinaryong sibilyan.
Dapat naman na idaan din sa re-retraining ang karamihan sa mga pulis sapagkat, katulad sa TMG marami ring mga palpak na basta na lamang nangraratrat. Katulad nang nangyari sa Malabon noong nakaraang taon na ang isang pamilyang nakasakay sa FX na patungo sa outing ay niratrat din ng mga pulis dahil napagkamalan. Mabuti at walang namatay.