Kasunod ng EDSA rally, ayon sa "Minutes re Final Talk, Feb. 20, 2006" na nilantad ni Kison, ay mas malaking mobilisasyon ng 200,000 katao sa Marso 31. Magmamartsa ito sa Malacañang para pababain si Arroyo. Kung kapusin ito, magdadaos ng maraming rally sa Abril na hahantong sa mas malaki pang grupo ng 500,000 sa Mayo 1. Ito ay Labor Day at ika-5 anibersaryo ng paglusob ng Erap supporters sa Palasyo.
Binansagan itong 4G o People Power-4, ani Kison. Sasama ang ilang units ng AFP, sa ilalim ng mga na-recruit sa kudeta, sa pagkombina ng EDSA-3 at ng December 1989 kudeta. Yung iba pang puwersang AFP sa probinsiya, ite-take over ang mga kapitolyo at vital installations. "Malakas daw sila sa Baguio at may dalawang brigada sa Mindanao," ani Kison.
Makikita sa paglantad ng AFP sa planong kudeta na nagkaisa na sina Honasan at mga komunista sa pagpapatumba kay Arroyo. Ani Kison, itoy treason dahil matinding kaaway ng AFP ang rebeldeng New Peoples Army. Pero makikita rin sa dokumento na tila malawak na ang pagkagalit ng militar kay Arroyo. Bunga ito, ani Sen. Rodolfo Biazon na dating AFP chief of staff, sa di-maipaliwanag na Garci tape kung saan tila nandaya si Arroyo sa halalang 2004.
Hindi pa natin alam kung matutuloy pa ang mga pakanang ibinisto ni Kison. Malamang ay mawalan ng gana ang mga sundalo kung malaman na kasama pala ang NPA sa pagpapabagsak kay Arroyo. Pero ito sana ang pakaisiping mabuti ng Presidente: mananatili ang galit ng mga sundalo sa kanya miski itatwa ang kudeta. dahil kinukutya ang pagkapanalo niya.