EDITORYAL – Problema sa illegal drugs ay pagtuunan ng pansin

NAWALA na ang isyu sa "shabu tiangge" na nadiskubre sa Pasig City noong nakaraang buwan. Nasaan na ang isinasagawang imbestigasyon dito? Nasaan na ang mga pulis na sinibak? Ano na ang ginagawa ng Pasig mayor para hindi na mabahiran ng dungis ang kanyang siyudad dahil sa droga? Ang "shabu tiangge" ay may kalahating kilometro lamang ang layo sa Pasig City hall kung saan nag-oopisina si Mayor Vicente Eusebio. Isipin pang ilang hakbang lamang ang layo ng Police Community Precinct sa "tiangge".

Ang pagkakadiskubre sa "shabu tiangge" sa Pasig ay nararapat na maging simula para lalo lamang pagbutihin ng pulisya at iba pang drug enforcement agency ang paghahanap pa sa mga "tiangge ng droga". Natitiyak naming hindi lamang sa Pasig mayroon nito kundi sa maraming lugar sa Metro Manila. Ang "tiangge" sa Pasig ay "tip of the iceberg" lamang. Kapiranggot lamang. At mas lalo namang magiging madali para sa PNP na madiskubre ang mga "tiangge ng shabu" kung may pakikipagtulungan ang mga local officials. Ang mga opisyal ng bayan o lungsod ang siyempreng dapat na unang makaalam kung may nangyayaring masama sa kanilang nasasakupan. Sa nangyari sa Pasig, kakatwang maski ang barangay chairman sa lugar na kinakitaan ng "shabu tiangge" ay walang kaalam-alam. Anong klaseng barangay chairman ito?

Matindi ang problema sa illegal drugs sa bansa at dapat tutukan. Nakatatakot ang mga mangyayari sa bansa kapag hindi nasugpo ang problema sa illegal drugs. Tataas ang bilang ng krimen. Mawawalan ng katahimikan ang mamamayan. Marami ang matatakot na lumabas sa gabi sapagkat maaaring mabiktima ng mga drug addict.

Parami nang parami ang mga sugapa sa droga, partikular sa shabu. Noong 1999, sinabi ng Dangerous Drug Board (DDB) na may 3.4 milyong drug addict sa Pilipinas. Noong June 2005, muling nagsurvey ang DDB at natuklasang doble na ang dami ng mga addict. Ayon sa DDB, may 6.7 milyong addict na sa Pilipinas.

Hindi lamang mga kabataan ang nalululong sa droga kundi pati mga propesyunal, may artista, basketball players, miyembro ng media, pulis, tricycle at pedicab drivers at marami pa. Kung hindi magkakaroon ng puspusang kampanya ang gobyerno laban sa illegal drugs, nakaharap ang bansa sa lalo pang matinding problema. Mas matindi pa sa kudeta at kahit na magdeklara ng martial law si President Arroyo ay hindi na pansinin ng mga praning sa shabu.

Show comments