Huwarang Pilipino

(Nais kong itampok sa espasyong ito ang isang maik-ling artikulong inaasahan nating gaganyak sa bawat Pilipino na tumulong sa kanilang kapwang nangangailangan. Ito’y akda ng ating mga kaibigan at kasamahan sa industriya ng pamamahayag na sina Gene G. Panganiban at Rod Malunhao.)

Sa panahong sinaklot tayo ng mga kalamidad na bumiktima sa libu-libong Pilipino, gaya nang naganap na landslide sa Leyte kamakailan, dapat nating ipamalas ang ating pagdamay at pagtulong sa mga kapuspalad nating kababayan. Bahagi lamang ng isang serye ng tunay at bukal sa pusong pagmamahal sa kapwa, lalu na sa mga kapuspalad, ang aming ikukuwento. Umaasa kaming ito’y magsilbing inspirasyon sa ating mga kababayan upang matalos na ang pagtulong sa kapwa ay dapat maging bahagi ng ating buhay lalo na kung tayo’y nakaririwasa. Masarap tumulong. Nagpapagaan ito ng damdamin lalu pa’t masasalamin sa tinutulungan ang galak na hindi pakunwari. Ganyan si Rosario Suzuki, Pinay, may sapat na edad na nakapangasawa ng isang Hapones na duktor, isang internist surgeon at may-ari ng Suzuki Medical Clinic si Hidenori Suzuki asawa ni Rosario.

Dahil sinalanta ng sunud-sunod na kalamidad ang Pilipinas tulad ng pagsabog ng Mt. Pinatubo at ang malakas na pagyanig na labis na puminsala sa Baguio City noong dekada 90, ang mag-asawa ay kabilang sa mga may ginintuang pusong sumaklolo. Nagpadala ng medical teams, gamot, pagkain at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.

Noong nakaraang buwan, nagsimula na naman ang mag-asawa sa ganitong kawang-gawa. Kahit nasa Japan si Dr. Suzuki, namahagi sila ng tulong sa mga maralita sa Bgy. Tatalon, Damayang Lagi, Calvary Hills, Araneta, Baesa, Sauyo sa Quezon City at Highway Hills sa Mandaluyong. Isusunod sa hanay ng mga tutulungan ang mga mamamayan sa Payatas. Dito’y tinatayang may limang libong kabataan na matatawag na malnourished o hindi nakakakain ng sapat at tama. Ang mga pamilyang tinutulungan ay binibigyan ng kailangang pagkain tulad ng bigas, delata, kape, asukal, noodles, biskwit at iba pa. Mayroon nang dalawampung libong pamilya ang natulungan ng mag-asawa sa panata nilang ito.

Inaasahan din ang pagdating ano mang oras ng mobile x-ray at ultrasound machines na padala ni Dr. Suzuki mula pa sa Japan. Sa mga darating na buwan, magsasagawa ang Show your Love Now, RDS Foundation ng mag-asawang Suzuki ng medical-dental mission at relief operations sa mga biktima ng landslide sa Leyte. Isusunod ang pagtatayo ng mga programang pangkabuhayan sa Metro Manila sa pakikipagtulungan ng Huwarang Pilipi- no, DZRB, Radyo ng Bayan at NBN Channel 4. Sana’y marami pang Pilipino ang tumulad sa mag-asawang ito na maluwag na ibinabahagi ang kanilang grasya mula sa Diyos sa mga nangangailangan nating kababayan.

Show comments