^

PSN Opinyon

‘Pulis na naman...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
Marami na ang nagreklamo sa aming tanggapan na umano’y biniktima ng mga pulis. Mga pulis na dapat sana’y kakampi at magpoprotekta sa mga mamamayan. Sila na dapat na sumbungan ng bayan, subalit sila pa ang inirereklamo sa pagiging abusado.

Ang kasong tampok sa araw na ito, ay pulis na naman ang kinasuhan matapos mamagitan ng biktima sa kapatid nitong pinagbubugbog at dinampot dahil sa umano’y nakuhanan ng droga.

Nagsadya sa aming tanggapan si Loreta Delampuri ng Pampanga upang humingi ng tulong hinggil sa kaso ng kanyang mga anak.

Si Rodel ay isa sa mga anak ni Loreta. Nakulong ito dahil sa kaso sa droga. Sumama umano sa isang grupo si Rodel subalit lingid sa kanyang kaalaman na bibili pala ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot.

"Siya ang nautusang bumili ng shabu sa halagang P200 na sinunod naman nito. May nakapagtimbre sa mga pulis kaya nahuli siya at nakulong. Pagkatapos ay nakalaya rin naman si Rodel," sabi ni Loreta.

Nagsilbing leksyon kay Rodel ang pagkakapiit nito sa kalungan. Umiwas na rin umano ito sa mga barkada. Isa sa iniwasan nito ay ang suspek sa pagkamatay ng kapatid niyang si Melchor, si SPO2 Manuel Canlas. Minabuti rin umano nitong magbagong buhay kaya naman nagtinda na lamang ito ng balot malapit sa kanilang bahay.

Ika-8 Setyembre 2005 bandang alas-8 ng gabi sa tapat ng bahay ng mga Delampuri isang pulis ang bumaba sa sasakyan, si SPO2 Canlas. Kinausap umano nito si Rodel at may ipinag-uutos.

"May ibinibigay si SPO2 Canlas kay Rodel pero ayaw naman tanggapin ng anak ko dahil ayaw na niyang balikan ang bagay na naging dahilan ng pagkakulong niya," pahayag ni Loreta.

Ayon pa kay Loreta, dating kasa-kasama ni SPO2 Canlas ang kanyang anak. Si Rodel umano ang inuutusan ng pulis na ito. Samantala galing sa isang inuman si SPO2 Canlas nang puntahan nito si Rodel. Pilit umanong ibinibigay kay Rodel ang shabu upang ito’y ibenta. Subalit hindi nito gustong sundin ang pinag-uutos ng pulis dahilan upang magalit ito sa kanya.

"Ang sabi daw sa kanya nitong pulis habang inaabot sa kanya ‘yon na ‘Gawin mong pera ito. Napasubo lang ako. Nag-iinuman kami.’ Tumanggi ang anak ko at sinabi nito ayaw niya," salaysay ni Loreta.

Nagalit umano si SPO2 Canlas sa ginawang pagtanggi sa kanya ni Rodel kaya ang ginawa nito ay pinagsusuntok at sinakal ito. Pilit na pinoposasan si Rodel. Samantala tinawag naman ng isang nagngangalang Joey Castro na kasama ni Rodel sa pagtitinda ng balot si Loreta.

"Tinawag ako nito at sinabi sa aking binubugbog daw ni SPO2 Canlas ang anak ko. Naabutan at kitang-kita ko na bitbit niya si Rodel habang ang dalawang kasama pa nito ay sinasaktan din ang anak ko kaya tinanong ko ito kung ano ang kasalanan nito" sabi ni Loreta.

Bago umano sagutin si Loreta ay tinutukan muna ito ni SPO2 Canlas. Sinabihan umano ito na huwag siyang makialam. Pumasok naman ng bahay ang asawa ni Melchor, si Rachelle at ibinalita sa asawa nitong hinuhuli ng pulis si Rodel.

Mabilis namang pinuntahan ni Melchor ang kapatid at nakita umano nitong tinutukan ito ng baril. Pinakiusapan nito na huwag saktan dahil sasama naman ang kanyang kapatid sa kanila.

"Sinabihan ni SPO2 Canlas si Melchor na ‘Isa ka pa!’ pagkatapos ay itunutok ang baril sa kanya sabay putok. Nabigla ako sa bilis ng mga pangyayari. Niyakap ko ang anak ko matapos itong barilin. Sabog ang utak ng anak ko sa ginawang pagbaril ni SPO2 Canlas sa kanya," kuwento ni Loreta.

Wala ni isa mang tumulong sa pamilya Delampuri sa takot nito sa pulis dahil itinutok nito ang baril at nagbanta sa mga taong magtatakang tumulong.

Samantala bago tuluyang lisanin ni SPO2 Canlas ang lugar umakyat ito sa bubungan ng bahay ng mga Delampuri at di-umano’y nagtanim ng ebidensiya laban kay Rodel.

"Bago dumating ang mga rumespondeng tanod ay nakita kong tinapon muna ni SPO2 Canlas ang kanyang baril sa kanal. Sinabi nitong inagaw daw sa kanya ang baril niya," salaysay ni Loreta.

Dinala sa ospital si Melchor subalit habang ginagamot ito ay binawian na rin ito ng buhay. Samantala isinakay naman si Rodel kasama ang nga barangay at dinala sa himpilan.

"Ininquest daw itong si SPO2 Canlas at nasampahan ng kasong homicide dahil sa pagkakabaril nito sa anak kong si Melchor habang ang anak ko namang si Rodel ay nakulong muli at sinasabing pusher daw ito. Nasa korte na ang kasong ito," sabi ni Loreta.

Nagpiyansa naman si SPO2 Canlas at pansamantala itong nakalaya. Nagkaroon naman ng re-investigation sa kasong pagpatay kay Melchor. Nasa preliminary investigation pa rin ang kasong isinampa ng pamilya ng biktima laban sa pulis.

"Wala kaming alam pagdating sa mga kasong ganito. Hindi namin alam ang gagawin kaya ang pakiramdam namin ay ginagawa lahat ni SPO2 Canlas upang pagtagalin ang kaso," pahayag ni Loreta.

Sa salaysay ni SPO2 Canlas, mariin nitong itinanggi ang mga naging pahayag ng mga nakasaksi sa pangyayari.

Para sa anumang reaksyon maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Bldg. Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

vuukle comment

CANLAS

LORETA

MELCHOR

NITO

RODEL

SPO2

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with