Nang magka-landslide sa St. Bernard, bumisita sina Speaker Joe de Venecia at Deputy Raul del Mar kay Southern Leyte Rep. Roger Mercado, Nag-abot ng P250,000 si de Venecia at P100,000 si del Mar para emergency. Nanawagan din sila sa 236 kongresista na mag-ambag sa "rapid reaction fund" tig-P50,000-P100,000 mula sa kani-kaniyang pork para makabuo ng P23 milyon. O di ba, pruweba yon na hinahawakan pala nila ang cash?
Marami pang pruweba. Umangal si Minority Leader Chiz Escudero na hindi pa sila makapag-ambag. Kasi raw, hindi pa nire-release ang pork barrel ng Oposisyon, bagamat na-release na ang sa Majority. O, e di ibig sabihin pati mga taga-Minority nakakahawak din pala ng pork cash!
Umismid si Mike Defensor, Malacañang chief of staff at dating kongresista. Hawa naman daw ang Oposisyon kung naghihintay pa ng pork bago magbigay. Bakit di sila mag-ambag mula sa sariling bulsa. Oo nga naman, pero sabihan din sana ni Mike ang mga kapartido sa Majority!
Bumanat din ang maka-Kaliwang party-list reps. Kesyo hindi raw sana masasalanta ang mga taga-Southern Leyte kung binigyan sila agad ng magandang pabahay nina Presidente Arroyo at de Venecia. "Foul naman kayo," sabat ni Majority Leader Prospero Nograles, matapos mag-ambag ng P100,000 mula sa sariling pork. "Kung totoong maka-mahirap kayo, magbigay din kayo sa relief fund," aniya. Tutal, may tig-P70 milyon din naman sila kada taon, tulad ng pork ng mga district reps. O, di lalong nabuko na lahat pala ay pumaparte sa kaban ng bayan!
Inanunsiyo din ni Senate President Franklin Drilon na nagbigay siya ng P20 milyon mula sa kanyang P200-milyong pork. Pero teka, sumbat ni Rep. Jacinto Paras, hindi bat nangako na si Drilon na hindi na hahawak ng pork. O, isa pang nabuko si Drilon, na humahawak din pala ng pork cash!
Ang pagkabuko ay nagsimula kay de Venecia, na kinamumuhian sa pagka-trapo o traditional politico. Pero sa totoo lang, ang P250,000-ambag niya ay galing sa sariling pitaka. Siya lang pala ang matino sa Kongreso!