Lunas laban sa buwisit at malas

SUNUD-SUNOD na kamalasan ang dumadapo sa kahariang ito. Pulos gutom at hirap na ang inaabot ng mamamayan dahil sa kawalan ng trabaho at opportunidad pero ang masakit nito ay nadadagdagan pa ng walang tigil na trahedya.

Lahat ng uri ng kalamidad ay tumama na sa bayang iyan. Kalamidad na gawa ng tao gaya ng disgrasya sa game show na Bow Wow Wow na kumitil ng buhay ng mahigit sa 70 katao at pagkasugat nang mahigit 500 pa hanggang sa mga gawa ng kalikasan gaya ng landslide na bumura sa ilang barangay sa isang malayong probinsya sa naturang kaharian na nagresulta sa kamatayan nang napakaraming mamamayan kasama ang mga batang nag-aaral ng gumuho ang bundok at tabunan sila ng buhay.

Hanggang sa kasalukuyan ay libong mamamayan ang hindi matagpuan at pinaniniwalaang namatay sa naturang sakuna. Marami pang ibang mga kakaibang pangyayari sa naturang bansa na kumikitil ng napakaraming buhay bukod pa roon sa mga pinapatay ng mga criminal na libreng- libre nang nakakakilos dahil sa matinding koneksyon nila sa mga awtoridad.

Tunay na nababahala na ang sangkatauhan sa naturang bayan dahil pangitang pangitang kaBuwisitan na ang mga pangyayaring ruon. Mga kaMalasang dala ng kung sino o ano?

Walang makapagbigay ng paliwanag sa mga pangyayari at lahat ay tunay na nababahala na lalo na ang mga magulang na matindi na ang takot para sa kaligtasan ng kanilang mga anak hanggang sa may makaisip na puntahan si Ingkong Lama Hatla, isang matandang ermitanyo na nakatira sa kuweba na matatagpuan sa may paanan ng bundok na maaabot lamang pagkatapos tumawid ng pitong ilog at pitong gubat na may 777 na natitirang punong kahoy na hindi pa napuputol ng mga loggers at higit sa lahat maaabot lamang pagkatapos maglakad o mag-hiking ng 70 araw ang 77 taong nagtataglay ng malinis na kalooban. Kung may isa lang sa 77 na ito na hindi malinis ang intension ay hindi matatagpuan si Ingkong Lam-A Hatla na kilalang physic, astrologer, geomancer, feng shui expert, manghuhula at higit sa lahat tunay na kinikilalang Nostradamus ng kasalukuyang panahon hindi lang sa kahariang iyan kung hindi sa buong sangkatauhan.

Agad-agad naghanda ang 77 napiling pupunta, kasama ang ilang kabataang kilalang hindi makukuwestiyon ang integridad pero laki ng gulat nila ng papasok palang sila sa una sa pitong gubat at mag-uumpisa pa lang tumawid sa ikalawang ilog na talagang matindi ang ragasa ng tubig ay nakita nila si Ingkong Lam-A Hatla na kitang-kita ang matinding kalungkutan sa mukha at nagmamadaling sumalubong sa kanila.

Humahangos pa ito at agad agad niyakap ang pinakamatanda sa 77 napiling magtungo sa kanya — isang 77 anyos na matandang kilala sa kabutihan at katapangan.

"Alam ko bakit kayo nandito, minabuti kong salubungin kayo dahil marami pang kamalasan at kabuwisitan ang tatama, marami pang buhay ang makikitil. Dadami ang magugutom, marami ang mamamatay na dilat ang mata. Kakalat ang iba’t ibang sakit na karamihan pa bata ang dadapuan, sunud-sunod na kalamidad ang tatama sa atin, lindol, bagyo, sunog, landslide, tsunami, flashfloods, plane crash, barkong lulubog at iba pang sakuna at kalamidad," sabi ni Ingkong Lam-A Hatla na hindi mapigilan ang pagluha.

"Dahil sa tindi ng paghihirap ay magmimistulang hayop ang sangkatauhan, magpapatayan, mag-aagawan at higit sa lahat dadanak ang dugo sa buong kaharian. Aagos ito sa lupa at magkukulay itim hanggang sa sumalubong ito sa kadilimang dala ng gabi at tuluyang kikitilin ang liwanag sa kahariang ito," dagdag pa ni Ingkong Lam-A Hatla.

"Pero ano ang gagawin natin Ingkong Lam-A Hatla, paano na si Inay at Itay, si Lolo at Lola, ang mga kapatid ko, sina Tiyong at Tiyang, si Ma’am Teacher naming, ang mga kaibigan ko, si Bantay (asong alaga nila), si Kuting (pusa ng kapitbahay nila) at si Big Boy (kalabaw na sinasakyan niya at pinang-aararo ng Tatay niya), ano ang mangyayari sa kanila?" napaluhang tanong ng pinakabata sa 77 na si Jose, isang pitong taong bata na ang naalala ay hindi ang sarili kung hindi ang mga mahal sa buhay.

Iling iling si Ingkong Lam-A Hatla, tumingin sa langit na patuloy na nagdidilim kahit katatapos lang nila mananghalian, sabagay tumalikod at binuklat ang isang librong may 7,777 pahina at biglang nagsalita: "kailangan alisin ang may nunal, hindi na kailangan patagalin, tumitibay ang alyansa nila ng kumpare at best friend niyang si Taning at ang Ninong niyang si Lucifer."

"Iyan lang ang tanging lunas, mawala ang may nunal at unti-unti manunumbalik ang sigla, saya at ganda ng kahariang ito. Ipagsigawan n’yo ang sinabi ko, dapat maisakatuparan ang pag-alis sa nunal sa loob ng pitong linggo kung hindi ay tuluyan na tayong sasakupin ng kadiliman," diin ni Ingkong Lam-A Hatla.

"Pero sino ang may nunal, saan siya hahanapin," malungkot at naguguluhang tanong ng 77 malilinis ang kalooban na mukhang nawawalan na ng pag-asa.

"Patience is a virtue, makikita n’yo yan," sagot ni Ingkong Lam-A Hatla sabay turo sa likuran nila.

"Pawalis, palinis at pagpapaganda ng inyong kapaligiran handog ng inyong MAHAL na KaMahalang Monkey Queen, your taxes are working for you!" nakalagay sa billboard na may malaking larawan ng Monkey Queen.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e mail sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag text sa 09272654341.

Show comments