May malaking problema nga lang sa Maynila. Kada linggo, 5,000 ang bagong trabaho sa call centers. Pero 3% lang, o 150, ang napupunuan. Kumbaga, kailangan mag-interview ang call centers ng 165,000 aplikante para maka-hire ng 5,000.
Sayang, dahil P15,000-P18,000 pa naman kada buwan ang starting salary sa call centers. At dahil sa bilis ng paglaki ng kumpanya, maaring ma-promote agad na middle-level manager ang baguhan sa loob ng dalawang taon, at susuweldo ng P50,000-P80,000 kada buwan.
Kokonti lang ang natatanggap sa call centers dahil natutuklasan ng recruiters na mabagal umintindi at baluktot bumigkas ng Inggles ang karamihan ng aplikante. Itoy dahil miski marunong sila mag-Inggles, hindi nila ito nae-ensayo. Hindi ito puwede sa call centers na tumatanggap ng inquiries para sa mga produkto o serbisyo mula sa America.
May tatlong solusyon sa kahirapang mag-recruit sa Maynila:
Una, ilipat ang call centers sa mga lugar na mas sanay mag-Inggles ang mga Pinoy. Halimbawa, sa Ilocos, Baguio, Cebu at Iloilo, kung saan ugali ng mga pamilya na pahusayin ang pag-Inggles ng mga bata. Huwag na rito sa Maynila kung saan may bulok na pananaw na ang pag-Inggles ay kawalan ng nasyonalismo.
Ikalawa, makipag-ugnayan ang call centers sa state universities and colleges, para doon pa lang ay makapag-train na sila ng mga estudyante.
Ikatlo, at itoy tip sa television producers, gumawa ng shows para i-anunsyo ang vacancies sa call centers, tapos samahan na rin ito ng English exercises. Tiyak, maraming manonood at mag-a-advertise sa programa.