Nakawala rin si GMA sa mga pagdidiin sa kanya ng mga dating supporters tulad nina dating President Cory Aquino at Senate President Franklin Drilon. Naibale-wala rin niya ang matinding panawagan ng kanyang mga malalapit na tauhan na mag-resign.
Nakawala na rin si GMA sa pagkaka-hawak sa kanyang leeg ni dating President Fidel V. Ramos. Marami ang nagsasabi na si FVR ang nagligtas kay GMA para hindi mapatalsik sa Malacañang sa pamamagitan ng Cha-cha plan ng dating presidente.
Kapansin-pansin ang pagbabalik ng self-confidence ni GMA lalo nat inaangkin niya ang pag-angat ng bahagya ng ating ekonomiya at ang paglakas ng ating piso laban sa dolyar dahil sa galing ng kanyang administrasyon. Kung tutuusin, dapat magpasalamat si GMA na gumanda ang takbo ng ekonomiya dahil sa laki ng mga pumasok na dolyar sa kaban dahil sa mga balikbayan nitong nakaraang holiday season.
Kung totoo nga ito, dapat lamang na susugan na ni GMA ang pagpapaganda ng ating ekonomiya at pamumuhay sa Pilipinas at ang pagbibigay niya ng halimbawa na bawasan na ang pamumulitika. Dapat natuto na si GMA sa kanyang naging karanasan. Maganda ang pagkakataon niya ngayon upang maipakilala na kaya niyang iluklok ang Pilipinas sa mabuting kalagayan. Hindi pa huli ang lahat.