Mga walang puso sa panahon ng Valentines

Dumating umalis ang mga trahedya

Na nagpapalubha sa maraming dusa;

Tulad ng nangyari pagpunta sa ULTRA

Maraming nasaktan at namatay pa nga!

Sa dami ng taong doon ay dumating

Naturang trahedya di kayang pigilin

Matanda at bata doo’y nagupiling

Nang ang mga tao’y nagmistulang lasing!

Sa pag-uunahang pumasok ng ULTRA

Nawalang hinahon ang bata’t matanda;

May mga naipit ang iba’y nasipa

Maraming namatay — napisak sa lupa!

Mga mamamayang doo’y nagtitipon

Sarili na lamang ang inisip noon;

Ang mga katabi’y hindi pinaurong

At kahi’t higa na’y walang nagbabangon!

Sa hangad makuha yaong kagustuhan

Kahi’t makasakit walang pakialam;

Ang ugaling ito nitong sambayanan

Ang siyang nagdulot ng kapahamakan!

Taong malalakas at ugaling tuso

Tuloy sa pagtulak, tuloy sa pagtakbo;

Ang mga matanda’t may mura pang buto

Nabulid sa lupa na basag ang bungo!

Dapat ang naghari ay pagmamahalan

Saka malasakit sa kapwa’t kabayan;

Kung hindi ganito’y maraming lilisan

Sapagka’t berdugo’y itong sambayanan!

Ang hindi maganda sa nangyaring ito

Nasabing trahedya ay ngayong Pebrero;

At ang Valentine’s Day nalimot ng tao

Sapagka’t maraming nawalan ng puso!

Show comments