Trahedya sa ULTRA napasukan na ng pulitika?

ISANG linggo na ang nakalilipas mula nang maganap ang stampede sa ULTRA pero usap-usapan pa rin ang malagim na pangyayari. Ang kabuuang bilang ng namatay ay 71. Isang inter-agency fact-finding committee ang binuo ng gobyerno at ang Department of Justice ang hahawak ng kaso. Samantala, hinto muna ang pagpapalabas ng Wowowee.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang linaw kung sino ang mga dapat managot sa nangyaring stampede. Sa palagay ko, mahaba pa ang lalakbayin ng kasong ito.

Sa palagay ko rin, pinasukan na ng personal na interes at pulitikahan ang pag-iimbestiga sa kaso. Ano kaya ang nag-udyok kay DILG Usec. Marius Corpus na magbigay ng mga nakakasirang pahayag laban sa ABS-CBN na hindi naman nababanggit sa kanilang written report. Hindi pa man natatapos ang imbestigasyon, para bang ang pinalilitaw na guilty na kaagad ang ABS-CBN.

Sabi ni Corpus, kinawawa ang mga tao at tinratong hayop makaraang hagisan ng kapirasong karne. Pero sabi ng ABS-CBN, nag-sorry na si Corpus sa mga sinabi.

Bumibigat ang kaso laban sa ABS-CBN. Lumalabas na kasalanan ng event organizer at mga staff ng Wowowee kaya nangyari ang trahedya.

Dapat namang tigilan ng GMA-Channel 7 ang kanilang sariling imbestigasyon sa nangyaring trahedya. Dapat siguro ay nagbigay na lamang ang Siyete ng pahayag ng pakikiramay sa sinapit ng kalabang network at pagkatapos, manahimik na lamang sila.

Huwag na sanang haluan pa ng pulitikahan ang pag-iimbestiga sa kasong ito. Maraming buhay ang nasayang at dapat lamang na maging mabilis ang paghahanap ng hustisya ng mga naulila.

Show comments