^

PSN Opinyon

‘Ibinaon sa likod bahay…"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng biktima matapos itong pagsasaksakin ng suspek ng mahigit tatlumpung beses at pagkatapos ay ibinaon pa sa hukay ang bangkay.

Inilapit sa aming tanggapan ni Victoria Espina ng Sta. Mesa, Manila ang brutal pagkakapaslang ng asawa nitong si Rolando.

Sa magkaibang bahay nakatira ang mag-asawa. Si Victoria ay namamalagi sa Sta. Mesa kasama ang mga anak na walang asawa habang si Rolando naman ay mag-isang nakatira sa Bankers Village Brgy. 11, Caloocan dahil siya umano ang tagabantay ng bahay dito.

"Paminsan-minsan lang kami nauuwi sa Caloocan. Ang asawa ko talaga ang nagbabantay ng mga gamit namin doon," sabi ni Victoria.

Ika-10 ng Setyembre 2005 bandang alas-7 ng gabi ang huling pag-uusap ng mag-asawa. Sinabihan ni Victoria si Rolando na magkita-kita sila sa bahay ng isang pamangkin sa Caloocan din at doon na lang mananghalian dahil may birthday party. Subalit tumanggi si Rolando.

"Ang sabi niya sa akin ay kami na lang ang magpunta baka daw may mawala sa mga gamit namin doon kung aalis siya. Marami daw kasing magnanakaw sa lugar na ‘yon at baka din daw pagnakawan kami ng kuryente dahil madami ang nagju-jumper doon," sabi ni Victoria.

Kinabukasan nagpunta sina Victoria kasama sina Rolando Jr., Marivic, Reginald at iba pa sa nasabing okasyon. Pagkakain nina Victoria ay agad din silang umalis upang puntahan ang asawa nito. Samantala pagdating nila sa bahay, nagtataka sila kung bakit nakabukas ang mga ilaw.

"Pati ang pinto ng bahay ay bukas din. Mas naiba pa ang pakiramdam ko nang makita kong gulo-gulo at makalat sa sala. Hinahanap namin si Rolando sa buong kabahayan pero hindi namin siya makita," salaysay ni Victoria.

Samantala ayon kay Victoria, ayaw muna nitong mag-isip ng iba. Ang tanging naisip niya ay may nangyari sa loob ng bahay kaya umalis si Rolando at inireport sa barangay. Pinasunod umano nito ang anak na si Rolando Jr. upang tingnan ang ama.

"Wala din sa barangay ang asawa ko kaya nag-iikot kami sa loob ng bahay at hinanap namin siya. Habang naghahanap kami ay nakakita ko ng bahid ng dugo kaya tumitindi ang kaba ko," kuwento ni Victoria.

Patuloy pa rin sa paghahanap sina Victoria hanggang sa nakakita ng hukay si Joy, kaibigan ni Rolando Jr. sa likuran ng bahay at mabilis na itinuro sa kanila. Noong una’y inisip ng mga ito na posibleng ang kanilang aso lang nakalibing dito.

"Kung anu-ano na ang iniisip ko. Na baka kung saan dinala o tinapon ang asawa ko hanggang sa dumating ang barangay chairman sa bahay," sabi ni Victoria.

Ipinakita sa barangay nina Victoria ang kahina-hinalang hukay na umano’y nilagyan ng kahoy at ipinatong pa ang kulungan ng aso. Marahil upang hindi ito mapansin. Maaaring hindi aso ang nakalibing sa nasabing hukay dahil masyado umanong malaki ang hukay para sa isang aso.

"Tumawag na rin kami ng mga pulis. Tinanong din kami kung paano namin nalaman na hindi aso ang nakalibing doon. Sinagot namin na nakita na ‘yung pinaglibangan ng aso at ito’y malapit sa puno ng saging," paliwanag ni Victoria,

Nakakailang hukay pa lamang ay tumambad na ang ulo ni Rolando. Halos magunaw ang mundo ni Victoria nang matagpuan ang asawa na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

"Kung hindi siguro kami dumating para bisitahin siya malamang ay bulok na ang katawan nito. Masyadong brutal ang pagkamatay niya" sabi ni Victoria.

Nag-imbestiga ang mga pulis sa loob ng bahay. May mga gamit umanong nawala kaya maaaring pagnanakaw din ang motibo ng mga suspek. Habang nagsasagawa ng imbestigasyon nakita ang isang basag na bote ng red wine sa tapat ng bahay ng biktima at naging dahilan upang matukoy ang suspek sa krimen.

Kinilala ang suspek na si Leonor Cabusas alyas Onor. Ayon kay Victoria, naging malapit ang suspek sa biktima noong panahong ginagawa ang kanilang bahay sa Caloocan. Isa si Onor sa mga manggagawa ni Rolando.

"Isa rin sa mga ebidensiya ay nang inutusan ng suspek ang isang Norberto Alsaga na isanla ang relo ng asawa ko sa halagang P300. Pinambili daw ito ng beer at nang maubos ito ay naglabas daw ito ng Johnnie Walker Black Label na kabilang din sa mga nawalang gamit sa loob ng bahay," salaysay ni Victoria.

Samantala isang Alexander Cabusas ang nagpunta kay Barangay Chairman Felix noong ika-14 ng Setyembre 2005 at sinabi umano nitong bago umalis ang suspek sinabihan siya nito na may iniwan siya sa balon. Inalam naman nila kung totoo ito ang sinasabi ni Alexander.

Si Jessie Lacroa ang inutusan ng barangay chairman na sisirin ang balon hanggang sa makapa nito ang isang samurai na posibleng ito rin ang ginamit sa pagpatay sa biktima.

"Tinawagan ako ni Chairman Felix upang ipakita ang isang samurai. Nagpunta naman ang anak kong si Rolando Jr. at kinumpirma nitong sa ama niya ang nakuhang samurai," sabi ni Victoria.

Nagsampa ng kasong Robbery with Homicide ang pamilya ni Rolando. Nagkaroon ng manhunt operation subalit hindi pa rin nahuhuli ang suspek. Ayon sa imbestigador sa kasong ito, matibay ang ebidensiya laban sa suspek na si Leonor Cabusas alyas Onor.

Nagkaroon ng preliminary investigation subalit naghihintay pa rin ang pamilya ng biktima ang paglabas ng resolution sa Caloocan.

"Hangad naming mabigyan ng hustisya ang nangyari sa aking asawa. Umaasa kaming mahuhuli rin ang suspek upang pagbayaran niya ang kanyang ginawa," pahayag ni Victoria.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Deputy Corazon Bilog ng Registry of Deeds, Pasig.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Abangan ang iba’t ibang isyung tatalakayin sa aming radio program HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, State Prosecutor II Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
* * *
E-mail address: [email protected]

ASAWA

BAHAY

CALOOCAN

DIN

ROLANDO

ROLANDO JR.

SUSPEK

VICTORIA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with