Pandaigdigang araw ng mga maysakit

BUKAS ay itinalaga ni Pope Benedict XVI bilang Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit (World Day of the Sick).Ito rin ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes na kilala bilang patrona ng mga maysakit, dahil sa napakaraming mahimalang pagpapagaling niya ng mga maysakit sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ang pagpapagaling sa mga maysakit ang isa sa mga misyon ni Jesus, at atin ding misyon bilang mga tagasunod ni Jesus. Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay nagpapakita sa atin ng isa na namang pagpapagaling ni Jesus (Mark 7: 31-37).

"Pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Jesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, "Effata," ibig sabihi’y "Mabuksan!" At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang sabi, "Napakabuti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!’"


Nais ng Diyos ng kaganapan ng buhay para sa tao. Maliban sa mga gamot, doktor at mga pangangalaga ng ating mga maysakit, mainam din na alalahanin natin ang papel ng panalangin para sa ating mga maysakit.

Bukas ay may gaganaping Misa ng Pagpapagaling (Healing Mass) sa Katedral ng Nuestra Sra. dela Paz y Buenviaje (Katedral ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay) sa Antipolo City. Ang Banal na Misa, na idaraos ng ika-8:00 ng umaga, ay pangungunahan ni Fr. Manny Perez, S.J. Maliban sa pagiging isang pari, si Fr. Manny ay isa ring doktor. Siya rin ang Superior of the Sick naming mga Heswita.

Show comments