Dalawang sulat na kinokondena ang sapilitang pagbebenta ng tiket ng mga titser sa isang acrobatic show na gaganapin sa eskuwelahan sa buwan na ito ang natanggap ko. Sa hirap ng buhay sa ngayon, siyempre malaking bagay na ito para sa mga mahihirap nating kababayan na pampublikong eskuwelahan na lang pinapasok ang kanilang mga anak para makahango sa kahirapan.
Ayon sa isang sulat, apat ang anak niya sa Burgos eh kung tig-P50 ang kada tiket ibig sabihin 200 yaon eh di malaking halaga ang mawawala sa hapag kainan nila, di ba mga suki? Kaya dapat paimbestigahan ni Hidalgo kay Dra. Ma. Luisa Quinones, Supt. ng Division of City School ng Manila, itong ginagawa ng mga titser sa Burgos para hindi naman siya lalabas na kahiyahiya. Di ba labag din sa kautusan ni Manila Mayor Lito Atienza na zero collections itong pagbebenta ng tiket? He-he-he! Panay graduate ata ng business economics ang mga titser ng Burgos, di ba mga suki?
Ayon sa tricycle na taga-Masbate St., kakarampot lang ang kinikita niya araw-araw at halos pang-boundary lang. Kahit hirap na siya sa pagkayod, pilit niya itong pinaglalabanan para lang mairaos ang kanyang pamilya sa kahirapan. Ang buong akala niya, kasama ang Burgos sa pagpapalaki at pagtataguyod niya sa kanyang mga anak, pero nagkamali siya. Ngayon lang niya napatunayan na ang eskuwelahan na ito ay panay problema lang ang idinudulot sa kanyang pamilya dahil sa walang katapusang tiket, field trip at kasama na rito ang acrobatic show na sa tingin niya ay wala namang matutunan ang kanyang mga anak. Ayaw naman niyang maging sirkero at sirkera ang kanyang mga anak at hindi niya lubos maisip kung bakit pinipilit pa silang manood ng acrobatic show nga, he-he-he! Komisyon ang pinag-uusapan diyan suki. Kung marami ang manonood eh di malaki rin ang komisyon! Kaya ang tiyak nyan, panay kalyo na yang paa at kamay mo bago makapag-graduate sa Burgos ang mga anak mo.
Sinabi sa sulat na nagkaroon din ng Lakbay Aral ang mga estudyante sa eskuwelahan noong Disyembre at P300 ang bayad. Ayaw sana niyang pasamahin ang mga anak niya dahil sa sobrang mahal ang bayad subalit tinakot sila ng kanilang titser, kayat napilitan siyang mangutang sa 5-6 ng Bombay. Ang masakit niyan, hindi naman lahat ng nakasulat na dapat puntahan ng mga estudyante ay napuntahan nila. Lima kasi ang nakasulat na bibisitahing lugar, subalit dalawa hanggang tatlong lugar lang ang napuntahan. Dapat ibalik ang sobrang bayad subalit hindi ito ginawa ng pamunuan ng Burgos. Saan napunta ang pera? Baka may kasagutan dito sina Hidalgo at Quinones!
Sinabi naman ng taga-Mindanao Ext. na hindi lang dapat si Hidalgo ang magpa-imbestiga dito sa tuloy na collection activities ng Burgos kundi maging ang butihing mayor nila na si Atienza. Kaya nga nila ibinoto si Atienza noong nakaraang elections dahil sa zero collections program niya, aniya. Abangan!