May kabuuang 74 ang namatay at humigit kumulang sa 650 katao ang sugatan sa naganap na stampede sa hanay ng mga taong nakapila sa pagkuha ng ticket upang makapasok at makasali sa naturang programa.
Tunay ngang hindi na maikubli sa sambayanan ang kahirapang dinaranas, sinuong ang buhay upang makamit lamang ang konting kaginhawahan sa buhay. Dahil sa ipamumudmod na pera at pangkabuhayan showcase ng naturang programa ay nahikayat ang mga mahihirap na mamamayan na magbakasakali sa buhay. Gets ninyo mga suki?
Iyan na marahil ang bunga ng patuloy na bangayan ng mga magigiting nating Senador at Kongresista ng pamahalaan. Pag-aagawan sa puwesto at sa patuloy na paghangad na mapalayas ang Presidente sa Palasyo upang sila naman ang pumalit.
Halos lahat ng mga nasawi ay pawang mga matatanda na nagmula pa sa malalayong lalawigan. Matiyagang pumila ang mga biktima sa may kahabaan ng Javier St. simula pa noong Lunes hanggang sa maganap nga ang hindi inaasahang trahedya.
Asam ng bawat isa ang pag-asang sila ay palaring mabigyan ng ticket at mapiling contestant sa unang anibersaryo ng naturang programa, tiniis ang gutom, puyat at pagod sa halos buong isang linggo dahil sa malaking premyong ipamimigay.
Katakam-takam nga naman ang premyong nakalaan kayat halos lahat ng nakapila ay nag-uumapaw ang pagnanasa na maka-una o makalamang sa pila kung kaya naganap ang hindi inaasahang stampede.
Ayon sa aking mga nakausap, dakong 6:00 ng umaga nang may nag-anunsiyo na magsisimula na ang pagbibigay ng ticket kung kaya ang lahat ay nagsiksikan at nagkatulakan, kung kayat bumigay ang bakal na rehas (crash barrier) ng Football Arena
Exit gate na kung saan pinadadaan ang mga taong papasok upang kumuha ng ticket.
Dahil ang lugar na iyon ay padausdos kung kayat hindi nakayanan ng bakal na rehas ang bigat ng may 10,000 kataong nag-uunahan sa pila at nang mapatid ang alambreng tali ng mga bakal ay tuluy-tuloy na ang mga taong bumulusok pababa.
Dahil sa labis na gutom at pagod karamihan sa mga matatanda ay hindi na nagawang bumangon at ang ibang tao naman ay naapakan na nila ang mga taong nagsitumba dahil wala na rin silang mga panimbang.
Sa kalaunan, tumambad ang maraming sugatan at nang maiahon ang iba ay wala nang buhay. May kabuuang 66 ang agarang namatay sa lugar na iyon, sa 63, tatlo sa mga ito ay pawang mga matatandang babae at tatlo ang lalaki.
Naging mabagal din ang daloy ng mga sasakyan sa naturang mga lansangan kung kayat naantala ang pagdating ng mga rescuer, ang ilan sa mga nagmalasakit na mga motorista ay nagkanya-kanya na lamang sa pagsakay sa mga sugatan at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Sa ganoong eksena, marami sa ating mga kababayan ang nagalit sa buong organizer ng Wowowee at sa himpilan ng ABS-CBN dahil sa kulang ang kanilang paghahanda sa naturang trahedya.
Kulang sa pag-aaral ang organizer ng Wowowee, nakaligtaan nila ang paghahanda sa napakaraming taong dumalo. Bakit naman doon pinapila ang tao sa padausdos na bahagi ng Philsport gayong marami pa namang lugar na ligtas.
Ang higit na hinanakit ng ilan nating mga kababayan ay kung bakit hindi kinunan ng video photage ang mga pangyayari, gayong ang ABS-CBN ay sang katerba ang mga camera. Maging sa kanilang himpilan ng radyo ay hindi nila na nai-ere ng maaga.
Pilit nilang itinatago ang kanilang kapalpakan sa mamamayang Pilipino. Gets nyo mga suki! Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon sa naturang pangyayari subalit tila nakaligtaan din ng Fact Finding Committee ang paghingi ng mga video photage ng naturang himpilan. Marahil kung itoy mailalantad sa publiko tiyak ko na mabubuking ng masa ang kapalpakan nila. Abangan!