Halimbawa, bitin na naman ang pagsasapribado ng National Power Corporation (NAPOCOR). Kasi maraming opisyal na ginagawa pa itong gatasan. Kung privatized na nga naman, wala nang delihensya. Sa halip na gamitin ang pera sa pagpapasigla ng kabuhayan, swak sa kanilang lukbutan. Tumataas pa nang walang habas ang presyo ng kuryente at lalong naghihirap ang mahirap dahil sa lumolobong pagkakautang. Sa ganitong usapin, masasabing utol ng sinungaling ang magnanakaw. Ang mga sinungaling sa NAPOCOR ay huling-huli nina Senador Joker Arroyo at Serge Osmeña sa isinagawang hearing ng joint congressional power commission. Kamakailan lang, napa- balita na sampung porsyento pa lamang ang assets ng NAPOCOR na naisasapribado na, napakalayo sa 70 porsyentong target na dapat sanay noon pang 2004 naabot. Mali!
Sa ginanap na hearing, lumutang ang buong katotohanan. 3 porsyento pa lang ng NAPOCOR asset ang naisapribado. Tumaas ang dugo ng mga Senador sa hearing dahil sa kasinungalingan ng mga kinatawan ng NAPOCOR sa pangunguna ni Cyril del Callar. Kastigo ang inabot nila sa mga Senador. Sa nakalipas na taong 2005, sumingaw sa Senado ang katotohanang wala ni isang planta ang NAPOCOR na na-privatized. Nakamando sa EPIRA law na tatlong taon mata- pos itong maisabatas, 70-porsyento ng mga gencoms (generation companies) ay dapat nang maibenta sa pribadong sektor. Apat na taon na ang EPIRA law. Suya na ang tao sa alibi ng NAPOCOR. Hanggang ngayon, tatlong porsyento pa lang ang iniusad ng privatization. Nakakahiya.
Wala man lang planong inihanda ang mga hinayupak na NAPOCOR officials para ayusin ang titulo ng mga planta at kontrata para maging maayos ang transition supply contract. Ayaw pumasok ng mga investors. Walang lumalahok sa mga biddings. Limpak-limpak na milyones ang ibinabayad ni Juan dela Cruz sa mga NAPOCOR officials pero parang sinasadya nilang malamangan ang bayan sa pagbitin sa privatization. Baka hindi nila alam, PLUNDER case iyan! Puwedeng mabitay ang mga gunggong na iyan. Isa lamang sa mga klasikong ehemplo ng pandurugas sa kaban ng bayan ang NAPOCOR. Utang nang utang nang katakut-takot na milyones sa labas ng bansa habang nalulugi ang korporasyon dahil sa mismanagement at pagpapasasa. Ito bay palalampasin na lang ng administrasyong Arroyo?