Dapat na alagaan at mahalin ang puso. Ito ay binigyang-diin ng espesyalista sa puso na si Dr. Lito Ataboog ng Capitol Medical Center kaugnay ng pagdiriwang ng Heart Month ngayong buwan.
Ayon kay Dr. Atabog mahirap at napakamahal magkaroon ng heart disease na kilala rin bilang cardiovascular disease. Sinabi niya na kapag nahihirapang huminga, sobrang hingal kapag lumalakad lalo na kapag umaakyat sa hagdan, kapag may nararamdamang iba sa pagtibok ng puso at parang may mabigat na nakadagan sa dibdib dapat na huwag mag-aksaya ng sandali at kaagad nang magpatingin sa doctor.
Ibat iba ang sakit sa puso pero ang karaniwan ay ang may coronary artery disease kung saan ay nagbabara ang mga ugat na dinadaluyan ng dugo. Ipinaliwanag ni Dr. Atabog na habang ang tao ay tumatanda ay paliit nang paliit at kumikipot ang ugat hanggang sa maging barado at laganap na ito sa mga mahilig kumain ng mga mayaman sa cholesterol. Sinabi niya na kailangang maging maagap na tuklasin ang kalagayan ng puso sa pamamagitan ng ultrasound, echocardiogram, andiogram at kapag malala na ang kondisyon ay kailangan na ang operasyon.
Traidor ang sakit sa puso na common sa matataba at overweight, may high blood pressure, kulang sa exercise, mahilig kumain ng mamantika at maaalat, mga sugapa sa alak, sigarilyo at droga.